Malacañang sa IPU: We don’t need strangers
Hindi welcome na bumisita sa bansa ang grupo ng international lawmakers na nagbabalak siyasatin ang diumano’y political persecution ng dalawang senador ng oposisyon, sinabi ng Malacañang kahapon.
Nagpahayag ng pagkabahala si Presidential Spokesman Salvador Panelo na maaaring makagulo lamang sa bansa ang Inter-Parliamentary Union (IPU), kasabay ng pagbatikos sa pangingialam ng grupo sa gawain ng bansa at pambabastos sa local legal processes.
Nauna rito ay nagpahayag ang IPU na balak nitong magpadala ng official mission para imbestigahan ang diumano’y rights violations na nagawa laban kina Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes IV.
“Ang problema diyan sa Interparliamentary, sabi nila, magiimbestiga sila. Pero mayroon na silang conclusion e, na para daw inaapi, parang biktima ng injustice. Bakit mayroon ka na kaagad na conclusion, hindi ka pa nag-iimbestiga,” ani Panelo sa isang panayam sa radio interview.
“Kung pupunta sila—pero ang problema nga, nagbigay na sila ng conclusion. I don’t think they’re welcome here, manggugulo lang sila,” aniya.
Kamakailan ay naglabas ng magkakahiwalay na resolusyon ang IPU na nagpapahayag ng matinding pagkabahala sa diumano’y pagpapahirap kina De Lima, kasalukuyang nakadetine sa drug charges, at Trillanes, na nahaharap sa kasong rebelyon.
Sa isa pang pahayag, sinabi ni Panelo sa IPU na maayos ang bansa at hindi na kailangan ng pakikialam ng mga estranghero.
“The wheels of justice have started to grind, and the two lawmakers have been accorded due process and would continue to be given their respective days in court,” aniya.
“Having said this, our State does not need guidance or directives from strangers. We can do well on our own.”