Balita

Matansero, tigok sa tandem

- Orly L. Barcala

Pinagbabar­il hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang matansero, habang abala ang biktima sa pag-aayos ng panindang karne ng baboy sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Dead on arrival sa Valenzuela City Medical Center si Gary Parcon, 46, ng Barangay Gen. T. De Leon, ng nasabing lungsod.

Nagtamo si Parcon ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigas­yon nina SPO1 Edwin Mapula at SPO1 Herbert Garcia, ng Station Investigat­ion Unit (SIU), bandang 5:20 ng umaga nang mangyari ang pamamaril sa harap ng bahay ni Parcon.

Abala ang biktima sa pag-aayos ng mga karneng baboy na kanyang ititinda, katulong ang asawang si Zeny, 50; at anak na si Von Rennard, 21 anyos.

Makalipas ang ilang sandali ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangka­s sa motorsiklo, bumaba ang angkas, lumapit kay Parcon at binaril ito, saka tumakas.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.

Negosyo ang sinisilip na motibo sa pamamaslan­g sa matansero.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines