IP Games, inilarga sa Kapangan
KAPANGAN, Benguet -- Pormal nang binuksan ang ikaapat na edisyon ng Indigenous Peoples Games sa pangunguna ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey kahapon sa Balakbak Elentary School sa Munisipalidad ng Kapangan dito.
Pinasinayaan ni Kapangan Mayor Manny Fermin ang opening ceremonies suot ang kanilang damit ng katutubo kasama ang kanyang bise at mga board members upang makilahok sa traditional ritual na isinagawa bilang highlight ng nasabing torneo.
Ikinasiya ni Maxey ang suporta ng probinsya ng Benguet at ng munisipalidad nito sa proyektong ng PSC grassroots development.
"Sobra ang pasasalamat ng PSC sa Benguet lalo na sa munisipalidad ng Kapangan, kay Mayor Fermin sa kanilang suporta sa IP Games. Asahan nila ang suporta din ng PSC sa mga proyektong pampalakasan na kanila ding ilulunsad para sa mga kabataan,"pahayag ni Maxey.
Pitong katutubong laro ang inabangan kahapon sa unang araw ng 3-day event na ito, kabilang ang sidking, dama, patintero, pakwel, sanggol at sungka.
Kabuuang 15 barangay ang lumahok at nakiisa sa IP Games na buhat sa dalawang tribu, ang Ibaloy at Kalungayan na kasalukuyang naglalaro habang isinusulat ang balitang ito.
Siniguro naman ni Mayor Fermin na ipagpapatuloy nila ang paghubog sa mga katutubong lato na muntik nang malimutan ng mga kabataan bunsod na rin ng mga makabagong gamit dulot ng teknolohiya.
"Nagpapasalamat kami sa PSC dahil sa pagbibigay ng pagkakataon sa aming mga katutubo na muling buhayin ang tradisyunal na laro at ipaalala aa ating mga kabataan kung gaano kasaya ang mga katutubong laro na ito," ani Fermin.
Samantala, idineklara ang buwan ng Oktubre bilang Indigenous Peoples month.