Mayoralty bet, tiklo sa estafa
NUEVA ECIJA - Isang negosyanteng kakandidato sa pagka-alkalde sa Nueva Ecija ang inaresto kaugnay ng kinakaharap na kasong estafa sa Cabanatuan City, kamakailan.
Dinampot si Alfredo Libunao, Jr., 52, ng District 1, Barangay Calipahan, Talavera, Nueva Ecija, ng mga tauhan ng Criminal Investigation & Detection Group (CIDG) sa Old Capitol Compound, Burgos Avenue sa Cabanatuan City nitong Martes, bandang 4:30 ng hapon.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest, na inilabas ni Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 29 Judge Felizardo Montero, sa kasong estafa.
Inaresto rin ng CIDG ang kasama nito na si Reson Angeles, ng District I, Bgy. Calipahan, Talavera, sa bisa ng warrant of arrest, na inilabas ni Judge Gonzalo Marata, Regional Trial Court, Branch 48, Urdaneta City noong Pebrero 10, 2015.