Balita

2 rebelde sumuko sa Mindoro

- Lyka Manalo

Dalawang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang boluntaryo­ng sumuko, bitbit ang kanilang mga armas, sa kampo ng 76th Infantry Battalion (76IB) sa Barangay San Luis, Mamburao, Occidental Mindoro, kamakailan.

Sa report mula kay Lt. Col. Mario Lito Retirva, comanding officer ng 76IB, ang dalawang hindi pinangalan­ang rebelde ay kabilang sa Platoon Falcon ng undergroun­d movement na nag-o-operate sa hilagang bahagi ng probinsiya.

Bukod sa isinukong M16 rifle, ibinunyag din umano ng mga sumukong rebelde ang lugar kung saan nakabaon ang mga armas ng kanilang grupo sa bulubunduk­ing bahagi ng Bgy. Batong Buhay, Sablayan.

Nang puntahan ang lugar, nadiskubre ang apat pang matataas na kalibre ng baril.

Ayon sa militar, inamin ng dalawa na nagsilbi silang recruiter ng kanilang grupo sa loob ng halos tatlong taon, ngunit dismyado sila sa umano’y maling pamamalaka­d sa kanilang kilusan.

Hindi rin umano tinupad ng kanilang mga kumander ang pangakong suportang pinansiyal sa kanilang pamilya kaya nakaranas sila ng hirap, gutom at pagtatrayd­or dahil sa serye ng operasyon ng militar laban sa kanilang grupo.

Ikinatuwa naman ng militar ang pagbabalik-loob sa gobyerno ng dalawa, na isasailali­m sa Enhanced Comprehens­ive Local Integratio­n Program (E-CLIP) upang makakuha ng benepisyo at iba pang suporta mula sa pamahalaan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines