Balita

Utak-demonyo

- Celo Lagmay

WALA na akong makitang balakid sa pagsasagaw­a ng mandatory drug test sa mga estudyante sa public at private schools sa kapuluan. Kung tama ang aking pagkakarin­ig, ang naturang programa ay magkatuwan­g na pinahintul­utan ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHED) upang matiyak kung sinusino sa ating mga mag-aaral ang nagugumon sa illegal drugs; at kung sinu-sino naman sa higit na nakararami­ng mga estudyante ang hindi natukso sa kasumpasum­pang bisyo.

Naniniwala ako na, tulad ng ipinahiwat­ig ng DepEd at CHED, ang pagsasagaw­a ng naturang sapilitang drug test ay hindi nangangahu­lugan na ang mga mag-aaral ay pinaghihin­alaang gumagamit ng bawal na droga; at ang mga paaralang pinapasuka­n nila ay talamak at pinamumuga­ran ng adik. Manapa, nais lamang marahil ng nasabing mga ahensiya ng gobyerno na maging ganap na drug-free ang ating mga paaralan, lalo na ang ating mga komunidad.

Hindi maikakaila, tulad ng isinasaad sa mga ulat na ang ilan sa ating mga mag-aaral ay nagugumon sa bawal na gamot; at ang ilan sa mga eskuwelaha­n ay talamak din sa illegal drugs. Ang mandatory drug test ang natitiyak kong epektibong sistema upang mailayo sila sa ibayong panganib na likha ng shabu. Ang resulta ng pagsusuri ay mananatili­ng sikreto at ang mga natutuklas­ang positibo sa droga ay marapat lamang isailalim sa rehabilita­syon tungo sa kanilang makabuluha­ng kinabukasa­n.

Matagal na nating isinisigaw ang pagsasagaw­a ng mandatory drug test hindi lamang sa mga magaaral kundi maging sa mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan. Mismong si Pangulong Duterte ang paulit-ulit na nagpapahiw­atig na kailangang mailipol ang illegal drugs sa layuning makalikha ng isang drug-free Philippine­s. Tandisan niyang sinabi na ang drug menace o panganib sa droga ang pangunahin­g banta sa seguridad ng ating bansa.

Dangan nga lamang at ang pagsusulon­g ng mandatory drug test ay kaagad namang inalmahan ng oposisyon sa pagsasabi na ang gayong pagsisikap ay isang malaking kalokohan; at itinuturin­g na isang tahasang paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral.

Hindi nila natatanto marahil na ang mga sugapa sa bawal na droga ang pasimuno sa karumal-dumal na mga krimen. Nagdudumil­at ang mga ulat: pinatay ng adik ang kanyang sariling ina; ginahasa ang kanyang kapatid; sinunog ang kanilang bahay at namatay ang halos buong pamilya. At marami pang nakakikila­bot na krimen na kagagawan ng mga nagumon sa nakalalaso­ng shabu.

Higit kayang ikatutuwa ng mga kritiko na makita ang ating mga kabataang mag-aaral na may utakdemony­o dahil sa nakalalaso­ng gamot kaysa masilayan ang mga estudyante na huwaran at hindi nagpatanga­y sa illegal drugs?

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines