Patayin lahat ng fixers sa Customs—Digong
Iniutos ni Pangulong Duterte kay Bureau of Customs (BoC) Commissioner Rey Guerrero na “patayin” ang lahat ng fixers sa kawanihan upang tuluyan nang matuldukan ang kurapsiyon at smuggling sa ahensiya.
Sinabi ng Presidente na kinausap na niya ang bagong pinuno ng Customs, at binalaan ito na maging mapagmatyag dahil nga talamak na ang kurapsiyon sa BoC.
“Sabi ko diyan ka, magdala ka ng sundalo. Patayin mo lahat ‘yang fixers diyan, kasi pati ikaw kakainin ka d’yan. Sabi ko ‘pag makita ninyo, barilin mo na, itapon mo sa dagat’,” sinabi ng Pangulo na bilin niya kay Guerrero.
Una nang inatasan ni Duterte ang militar na tulungan si Guerrero sa pagsugpo sa smuggling sa Customs, kasunod na rin ng pagpuslit ng bilyunbilyon pisong halaga ng shabu sa bansa.
Iginiit din ni Duterte na hindi labag sa batas ang pagtatalaga niya ng militar sa anumang posisyon sa Customs.
Nasa floating status lamang, aniya, ang mga tauhan ng BoC na dawit sa katiwalian habang iniimbestigahan pa ang mga ito.
“Kaya sinarahan ko ‘yung Bureau of Customs, I am not appointing anybody. I am not designating anybody. Alam—ano bang alam ng sundalo, ‘yung ledger o journal o resibo o trust agreements diyan?” ani Duterte.
Mahirap aniyang kumuha ng ebidensiya ng kurapsiyon, kaya tinanggal niya muna ang mga opisyal sa Customs at upang maimbestigahan ang mga ito.
“The only way na malaman ko talaga is alisin ko kayong lahat tapos bago ako mag-imbestiga. Noon ka na nandiyan kayo, sige nakaw, tapos sige ako maginvestigate,” sabi pa ni Duterte.