IMELDA, AARESTUHIN

Walang double standard, PNP nangako:

Balita - - Pangunahing pahina - Nina AARON B. RECUENCO at BERT DE GUZMAN

Hindi pa natatanggap ng Philippine National Police (PNP) ang kopya ng arrest warrant laban kay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos kaya hindi pa nila maaaring arestuhin ang dating First Lady, na nahatulan nitong Biyernes na makulong sa pitong bilang ng graft.

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana Jr. na mismong si PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang nagbigay ng katiyakan sa publiko na aarestuhin ng mga pulis si Marcos, 89, kapag natanggap na ng pulisya ang arrest warrant mula sa Sandiganbayan.

“The Sandiganbayan said they have yet to issue the arrest warrant by Monday. Be rest assured that we will never be too busy from doing our mandate,” sinabi ni Durana sa BALITA.

Ito ang naging reaksiyon ni Durana sa pagbatikos ng publiko sa PNP sa social media kaugnay ng umano’y pagkakaroon ng pulisya ng double standard sa pagtrato kina Marcos at Senator Antonio Trillanes IV.

Binigyang-diin ng ilang netizens ang agarang pagpapakalat ng PNP ng mga tauhan nito sa Senado laban kay Trillanes kasunod ng pagbawi sa amnestiya ng huli kahit pa wala pang arrest warrant laban sa senador.

Ayon kay Albayalde, bahagi ng pagtupad ng PNP sa arrest warrant na ilalabas ng Sandiganbayan ang dakpin si Marcos, at kabilang, aniya, sa mga opsiyon ng pulisya ay dalhin ang kongresista sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, kung saan nakapiit si Senator Leila de Lima. “So we are ready if there is an order by the court to bring her to Camp Crame,” sabi ni Albayalde.

Samantala, sinabi kahapon ng kampo ni Marcos na katatanggap lang nila ng kopya ng desisyon ng Sandiganbayan 5th Division.

“Unfortunately, my attorney of record, Atty. Robert Sison, has been indisposed and is presently confined at the Asian Hospital,” sabi ni Marcos.

Ayon sa biyuda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, si Justice Lolong Lazaro, na dati niyang abogado sa kaso, ang aaktong counsel na pansamantala.

“He is presently studying the decision and has advised us that he intends to file a Motion for Reconsideration,” sabi pa ni Marcos.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.