‘Tulak’ napasuko sa engkuwentro

Balita - - News - Bella Gamotea

Nakaligtas sa kamatayan ang isang umano’y drug pusher matapos umanong sumuko sa kasagsagan ng engkuwentro sa buy-bust operation sa Taguig City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Alec Kantolias y Tenorio, alyas “Alek”, 22, ng Barangay Calzada-Tipas,Taguig City, na masuwerteng hindi tinamaan ng bala.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng buy-bust ang Station Drugs Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police malapit sa Nitro gasoline station sa F. Manalo Street, sa Bgy. Calzada-Tipas, dakong 11:00 ng gabi.

Sa aktong iniaabot umano ng suspek ang droga sa isang pulis na poseur buyer nang mahalata ni Kantolias na alagad ng batas ang kanyang katransaksiyon.

Mabilis umanong bumunot ng baril ang suspek at pinutukan ang poseur buyer, na hindi naman tinamaan na nauwi sa engkuwentro.

Sa gitna ng palitan ng putok, napilitang sumuko ang suspek nang makorner siya ng mga pulis.

Narekober umano kay Kantolias ang isang .38 caliber revolver na may tatlong bala at isang basyo, dalawang selyadong pakete ng umano’y shabu, at P300 marked money.

Kakasuhan ang suspek ng illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.