9 patay, 35 nawawala sa US wildfire

Balita - - Pangunahing pahina -

PARADISE, Calif. (AP/REUTERS) - Sa gitna ng pagdadalamhati ng buong California sa mass shooting kamakailan na ikinasawi ng 12 katao, panibagong pagsubok ang kinahaharap ng siyudad sa pagsiklab ng wildfire sa magkabilang panig ng estado, na nagbunsod ng sapilitang pagpapalikas at pagsasara ng mga pangunahing kalsada sa mga apektadong lugar.

Siyam na bangkay ang narekober sa paligid ng bayan ng Paradise sa Northern California habang 35 ang napaulat na nawawala, kung saan mahigit 6,700 bahay at establisyamento ang natupok ng wildfire, at 30,000 katao ang inilikas sa pinakamapinsalang kalamidad sa kasaysayan ng estado, ayon sa California Department of Forestry and Fire Protection.

Pinalala naman ng malakas na hangin ang apoy na lumamon sa 150 bahay sa Southern California, gayundin sa mga bahagi ng Calabasas at sa mga mansiyon sa sikat na resort ng Malibu, dahilan upang palikasin ang nasa 250,000 katao—kasama ang ilang sikat na celebrities—tulad nina Lady Gaga at Kim Kardashian, habang tuluy-tuloy na gumagapang ang apoy sa sa Santa Monica Mountains patungo sa dagat.

Habang mabilis na kumakalat ang apoy na hindi na umano makokontrol pa ng mga bombero, ayon sa mga awtoridad, patuloy namang inaalam ang dahilan ng pagsisimula sa sunog. Sinabi naman ng Pacific Gas & Electric Company na 15 minuto bago ang pagsiklab ng apoy nakaranas umano ng outage ang electrical transmission line malapit sa Paradise, na kalaunan ay natuklasang may sira ang isang transmission tower na malapit sa nabanggit na bayan.

Samantala, naglabas naman si President Trump ng emergency declaration upang magamit ang pondo ng federal sa Butte, Ventura and Los Angeles counties.

Sumiklab umano ang sunog nitong Huwebes sa dulongbahagi ng Plumas National Forest northeast ng Sacramento, kung saan tinatayang nasa 90,000 ektarya ang naabo at tanging limang porsiyento pa lang ang naaapula hanggang nitong Biyernes.

AP

NILAMON NG APOY Pilit na inaapula ng mga bombero ang pagkalat ng apoy sa bahagi ng mga apartment complex, na inabot sa nagpapatuloy na wildfire sa magkabilang panig ng estado ng California sa Amerika, kahapon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.