Bet ni Inday Sara para Speaker: Myself

Balita - - Pangunahing pahina - Nina ANTONIO L. COLINA IV at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Nagpahayag ng interes si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na maging susunod na House Speaker.

Nagpahayag ng pahayag nitong Biyernes ng gabi ang alkalde sa harap ng mga balita na kapwa inaasinta nina dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ang speakership sa susunod na taon.

Nagbitiw kamakailan si Cayetano sa Gabinete ng ama ni Carpio na si Pangulong Rodrigo Duterte upang kumandidatong kongresista ng Taguig City.

“I heard rumors that both Sec. Cayetano and Cong. Velasco are interested in the Speaker position of the House of Representatives. That is all I heard. To end all the loose talk and gossip, my bet for Speaker is none other than myself,” ani Carpio.

Matatandaang sa isang panayam matapos siyang maghain ng kandidatura nitong Oktubre 15, tiniyak ni Carpio na desidido siya sa re-election upang muling paglingkuran ang Davao City.

Kandidato namang bise alkalde niya ang nakababatang kapatid na si Sebastian “Baste” Duterte, habang ang isa pa nilang kapatid na si dating Vice Mayor Paolo Duterte ay kakandidatong kongresista para sa unang distrito ng Davao City.

Sa kanyang talumpati kamakailan, ibinunyag mismo ni Pangulong Duterte na may kinalaman si Carpio sa pagpapatalsik sa puwesto kay dating Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, na pinalitan ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria MacapagalArroyo.

Kaugnay nito, sinabi ng Presidente noong nakaraang linggo na hindi interesadong maging pangulo ng bansa si Carpio.

“Si Inday, huwag kayo maniwalang tatakbo ng Presidente. Hindi ‘yan magaaksaya ng panahon,” sinabi ng Pangulo nang magtalumpati sa Boracay.

Ngayong taon, binuo ni Carpio ang Hugpong ng Pagbabago (HNP), isang rehiyunal na partido politikal, na pumasok din sa pakikipag-alyansa sa ibang rehiyunal at nasyunal na partido.

Sa kanyang naging pakikipagpulong sa Filipino Community sa Amman, Jordan nitong Setyembre, sinabi ni Duterte na hindi niya matutupad ang kanyang pangako sa bansa, kaya’ inaasahan niyang magagawa ito ni Carpio.

“Kung hindi ako makabayad ng utang ko sa inyo, I hope in little ways, si Inday, Mayor man, she might be in the future,” ani Duterte. “Puwede man ninyong malapitan. Inday is good. Marunong ‘yan.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.