P10M naabo sa candy factory

Balita - - News - Mary Ann Santiago

Tinupok ng apoy ang isang candy factory sa Rizal Technopark sa Taytay, Rizal, kahapon ng madaling araw, gayundin ang libu-libong candies na ibebenta sana sa publiko ilang linggo bago ang Pasko.

Batay sa ulat ng Taytay Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 2:40 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa gusali ng Sweet Tech Industries, na pagma-may-ari ni Kim Chung, at matatagpuan sa Barangay San Juan, Taytay.

Ayon kay Taytay BFP chief, Senior Insp. Winnie Astrero, umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong 3:45 ng umaga, at ganap na naapula ng 5:41 ng umaga.

Bukod sa naturang pabrika at libu-libong candies at mga makina, naapektuhan din ng sunog ang isang warehouse storing textile.

Ayon sa isang hindi pinangalanang manggagawa sa pabrika, lima silang nasa loob ng gusali nang makakita ng makapal na usok na nagmumula sa cutting section.

Tinangka, aniya, nilang apulahin ang sunog gamit ang fire extinguisher ngunit naging mabilis ang pagkalat nito, kaya ipinasya na lamang na iligtas ang kanilang mga sarili.

Wala namang iniulat na nasugatan sa sunog, na sa inisyal na taya ng BFP, ay tumupok sa tinatayang may P10 milyon halaga ng mga ari-arian.

Sinabi ni Astrero na wala pang fire safety inspection certificate (FSIC) ang pabrika, ngunit nainspeksiyon na ng BFP ang pasilidad nitong Oktubre, at natuklasang under compliance naman ito.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.