PSC: Ayusin nyo ‘yan POC

Balita - - Sports - Annie Abad

KASUNOD ng dayalogo ni PhilippineSportsCommission(PSC) chairman William "Butch" Ramirez sa stakeholders ng Philippine Taekwondo Association (PTA), kinausap din niya ang pamunuan ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) upang pakinggan ang kanilang hinaing.

Matagal nang may gusot sa liderato ang dating national sports association, kung saan, ayon kay Jay Omilla, presidente ng TATAP na suportado din ng TATAND, sapilitan umano silang nasipa bilang NSA ng Table Tennis, at ipinalit ang ngayo'y kinikilala ng POC na Philippine Table Tennis Federation (PTFF), na nasa ilalim naman ng pamumuno ng dating player na si Ting Ledesma.

Ang nasabing isyu ay nagugat noong panahon pa lamang ni dating POC president Jose Cojuangco na kung saan ay inasahan umano ng pamunuan nina Omilla na mareresolba pagpasok ng kasalukuyang POC chief na si Ricky Vargas.

Ngunit, bigo sina Omilla na maresolba ang isyu, sa ilalim ng bagong administrasyon ng POC, gayung aniya ay malakas ang "kapit" ng kanilang kalaban.

Gayunman, siniguro ni PSC chairman Ramirez, na ipaaabot niya sa POC sa gagawing consultative meeting sa unang linggo ng Disyembre.

Ayon sa PSC chief, na kailangan na aksyunan agad ng POC ang mga isyu ng kanilang NSAs sa loob ng tatlumpung araw, at kung hindi ay mapipilitan sila na gawin ang aksyon na iniaatas sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte.

"I already have a go signal from the President, to stop funding and this is also under RA 6847, which indicate that we can stop funding if there are issues or conflicts that are not resolved within the NSA. Eh kami ay sumusunod lamang sa utos. Isa pa, PSC have been very nice to everyone. Kahait na kailangan na suspindihin ang Financial assistance ng isang NSA, kapag sinabi nila, paano yung mga bata? So ganun pa rin, of course hindi naman matitiis ang mga atleta natin. But this time, we have to take actions," ayon kay Ramirez.

Umaasa ang PSC chief na gagawan ng aksyon ng POC ang mga isyu na idudulog nila sa kanilang paghaharap sa susunod na buwan, upang maiwasan ang isyu hinggil sa usapin ng financial assistance, maging sa pagsasagawa ng Southeast Asian Games sa bansa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.