‘Partying’ ni Imelda, pinuna
Pinuna ng ilang mambabatas ang pagdalo ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa birthday party ng anak niyang si Gov. Imee Marcos ilang araw makaraang hatulan ang kongresista ng guilty verdict ng Sandiganbayan sa pitong kaso ng graft, at sa nakatakdang paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Binatikos nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang “partying” ng dating First Lady sa gabing nasentensiyahan ito na makulong ng hanggang 77 taon.
“She should have instead prepared for her promulgation day instead of partying. Perhaps she was confident that she will be acquitted of her crime to the Fil people? Mahiya naman ang pamilyang Marcos sa mga Pilipino!” ani Castro. “Saan kaya humuhugot ng kapal ng mukha ang mga Marcoses na ito?”
Sinabi naman ni Casilao na ang ginawa ni Imelda ay “a mockery of the Filipino people who had fought decades-long uphill battle to bring the Marcoses to account for their crimes.”
“Kung ordinaryong Pilipino at mga aktibista ang naisyuhan na nga warrant of arrest, mabilis pa sa alas kwatro ang mga pulis para mang-aresto. It is highly unacceptable for the PNP to say that they have yet to receive the copy of the warrant since in the case of mass activists, arrests are made even without a warrant. Napakadouble standard,” sabi ni Casilao.
Dumalo rin sa nasabing party ng gobernadora sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.