Balita

‘Ni-rape’ ng 2 pulis, may death threats

- Martin A. Sadongdong

Ipinangako kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa 22-anyos na ginang na umano’y ginahasa ng dalawang bagitong pulis, na titiyakin nila ang seguridad nito kasunod ng napaulat na nakatatang­gap ito ng banta sa buhay.

Ito ang tiniyak ni NCRPO Director Guillermo Eleazar at sinabing hindi nila kinukunsin­ti ang maling pinaggagaw­a nina PO1 Severiano Montalban at PO1 Jayson Portuguez, na inaakusaha­ng gumahasa sa nasabing babae.

Sa naunang panayam, ibinunyag ng biktima na nakatatang­gap siya ng death threats na nagsasabin­g umurong na siya sa pagsasampa ng kaso laban sa dalawang pulis.

“Natatakot akong bisitahin ang asawa ko sa kulungan. Hindi rin ako makapunta sa bahay na inuupahan namin dahil sa takot. Nakikiusap po ako, ‘wag n’yo akong iwan sa laban na ito, natatakot talaga ako sa mga natatangga­p kong banta,” pakiusap ng ginang kay Eleazar.

Siniguro rin ni Eleazar na tutulungan ng PNP ang ginang sa kaso nito laban kina Montalban at Portuguez, at kapag napatunaya­ng nagkasala ang dalawang pulis ay papanaguti­n niya ang mga ito.

“Rest assured that we will not tolerate this. In fact, I salute and thank you for standing up. Because of your bravery and strength, this will serve as a stern warning against all other cops to think many times before commiting the same offense. With what you have done, you are saving the future victims,” sabi ni Eleazar.

Matatandaa­ng ginahasa umano ang babae sa loob ng isang nakaparada­ng mobile car sa bahagi ng parking lot ng isang ospital sa Quezon City, kapalit ng kalayaan nito matapos na mahuli sa illegal gambling sa Novaliches, nitong Nobyembre 2.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines