POC, handang makiisa sa PSC
HANDA ang Philippine Olympic Committee (POC) na tanggapin ang anumang suhestyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC) upang maresolba ang mga isyu na kinasasangkutan ng ilang National Sports Associations (NSA).
Sa kasagsagan ng dayalogo na isinasagawa ng PSC sa mga NSA na nahaharap sa ‘leadership dispute’ ang kabiguan na makapag-liquidate ng kanilang cash advances sa ahensiya, sinabi ng POC na napapanahon ang pagkilos ng pamahalaan.
Nagsumite ng kanyang ulat si POC membership committee chairman na si Robert Bachmann sa pag-asang mabigyan ng solusyon ang kinakaharap na suliranin ng mga NSAs lalo na bago ang pagsasagawa ng Southeast Asian games sa bansa, sa 2019.
Una nang naisalang sa harap ni PSC chairman William Ramirez ang mga stakeholders ng Philippine Taekwondo Association (PTA) at Tabe Tennis Association of the Philippines (TATAP).
Sa dalawang NSAs, mas nahaharap sa matinding suliranin ang TATAP na nasa ilalim ng pamamahala ng presidente nitong si Jay Omilla, gayung sa kasalukuyan ay hindi sila ang kinikilalang NSA ng POC sa nasabing sports, kundi ang kanilang kalaban na Philippine Table Tennis Federation (PTTF) na nasa ilalim ng pamamahala ng dating table tennis player na si Ting Ledesma.
Dahil dito, nagsagawa ng kanilang masusing pagsaliksik ang POC hinggil sa mga isyung kinakaharap ng mga NSAs kagaya ng tennis, swimming, weightlifting, karatedo, arnis, volleyball at ang table tennis upang pagdesisyunan at sikapin na gawan ng solusyon ang mga suliranin ng mga ito hinggil sa liderato.
Buhat sa ulat na isusumite ni Bachmann at sa rekomendasyon nito, ibabase ni POC president Ricky Vargas ang kanilang magiging desisyon upang matigil na ang gusot sa loob ng pamunuan ng mga nasabing NSAs.
Nauna dito ay nilinaw naman ni Ramirez na hindi nakikialam ang nasabing ahensiya sa gusot ng NSA, bagkus ay pakikinggan lamang nila ang mga ito at idudulog sa POC upang ang mismong kumite ang siyang magbigay resolba ng mga kani-kanilang isyu.
Nakatakdang magpulong ang PSC at ang POC sa unang linggo ng Disyembre kung saan ihahatag ng una ang mga detalye ng problema at hayaang ang huli ang magdesisyon.
Samantala, ipinahinto muna ng PSC ang pagbibigay ng pondo sa PTTF hangga’t hindi naayos ang kinakarap nitong isyu, kung saan gaya ng kanyang unang sinabi, na may mandato na ng Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang pagbibigay ng financial support sa mga NSAs na may isyung kinakaharap, at may unliquidated accounts sa nasabing ahensiya.