Kampanya sa plebisito sa Bangsamoro, simula na

Balita - - Pangunahing pahina - Nina FRANCIS T. WAKEFIELD at ALI G. MACABALANG

Hinimok ng mga opisyal ng gobyerno at ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) gayundin ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) ang mga residente ng ipinanunukalang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na makibahagi sa plebisito sa unang bahagi ng susunod na taon.

Ito ay kasabay ng pagsisimula ng official campaign period para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na kilala bilang R.A. 11054, simula kahapon, Disyembre 7, 2018.

Inanunsiyo ni Atty. Rey Sumalipao, Regional Director ng Commission on Elections, na handa na ang Comelec na magkarooon ng “honest and orderly” na plebisito sa Enero 21 at Pebrero 6, 2019.

“We will work to have clean elections,” sinabi ni Sumalipao sa media forum na ginanap sa Cotabato City at inorganisa ng Joint Communications Committee ng gobyero at ng MILF.

Gaganapin ang plebisito sa dalawang petsa, una sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Cotabato City at sa Isabela City sa Enero 21, 2019.

Para sa Lanao del Norte at North Cotabato, kabilang ang mga bayan at barangay na naghain ng kanilang petisyon na sumali BARMM na pinayagan ng Comelec, gaganapin ang plebisito sa Pebrero 6, 2019.

Samantala, ang mga botante ng Marawi City na nasa evacuation camps sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang lugar sa Northern Mindanao, ay ibibiyahe ng gobyerno sa pamumuno ng Comelec para makaboto sa plebisito sa Enero 21, 2019.

“They will be provided transport facilities on plebiscite day,” paniniyak ni Sumalipao.

KapagnaratipikahanangBOL,papalitan ang ARMM ng BARMM, na magbibigay ng mas malaking kapangyarihang politikal sa mamamayan ng Bangsamoro para pamahalaan ang kanilang ancestral lands.

Sa media forum, pinawi ni dating Presidential Peace Adviser Secretary Jesus Dureza ang mga pag-aalala ng mamamayan sa pagtatag ng bagong BARMM.

“The BOL is not only for the Moro fronts, it is for all and it is inclusive,” aniya.

Nanawagan naman si Mohagher Iqbal, chairman ng MILF Peace Implementing Panel at miyembro ng BTC, sa mamamayan na ratipikahan ang batas, dahil tutugunan nito ang mga hinaing ng mamamayang Bangsamoro para sa self-governance.

“The BOL is a formula for peace, development, and progress,” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.