30 kilo ng ‘shabu chemical’, nasamsam

Balita - - Pangunahing pahina - Mary Ann Santiago

Mahigit 30 kilo ng mga kemikal, na hinihinalang ginagamit sa paggawa ng shabu, ang nasamsam ng mga pulis sa loob ng isang gusali sa Barangay Kapitolyo, Pasig City, kamakalawa.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunuan ni Police Chief Supt. Bernabe Balba, nasa 10 maliit na plastic bags at dalawang malaking plastic bags, na naglalaman ng 13 hanggang 15 kilo ng hinihinalang chemical precursor at paper canister na may humigit-kumulang 20 kilo ng hinihinalang chemical precursor, ang nasamsam.

Sa report ng Pasig City Police, sinalakay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), katuwang ang mga tauhan ng Northern Police District (NPD), ang 34 Sta. Rosa Street, Bgy. Kapitolyo, bandang 2:30 ng hapon.

Una rito, nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng isang drug personality, na hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad.

Agad na sinalakay ng mga awtoridad ang lugar, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Judge Danilo Cruz, Executive Judge Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 152, at nasamsam ang naturang mga kemikal.

Gayunman, bigo ang mga awtoridad na maaresto ang target ng search warrant dahil wala ito sa lugar nang isagawa ang pagsalakay, ngunit binitbit ng mga pulis ang ‘di pinangalanang guwardiya, na siya ring nagsisilbing caretaker ng gusali.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa guwardiya ang isang .9mm caliber pistol, na may anim na bala, na service firearm nito.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.