Apat sa watch list, timbog sa buy-bust

Balita - - Pangunahing pahina - Bella Gamotea

Apat na lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga ang inaresto sa buybust operation sa Makati City, nitong Huwebes ng gabi.

Nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sina Leogene Batu y Cinco, 33, ng 1105 Gen. Ricarte Street, Barangay South Cembo, Makati City; Jefferson Feriol, 21, ng 313 Sampaloc St., Bgy. Cembo; Ferdinand Feriol y Ceriales, 36, ng 313 Sampaloc St., Bgy. Cembo; at Gain Carlo Catalan y Ladisla, 32, ng 312 Sampaloc St., Bgy. Cembo sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Makati City Police, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drugs Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni Chief Insp. Gideon Ines, sa Sampaloc St., sa Bgy. Cembo, dakong 10:45 ng gabi.

Magkakasama umano ang mga suspek nang bentahan ng droga ang isang pulis na nagsilbing poseurbuyer.

Nasamsam sa mga suspek ang 12 selyadong pakete ng umano’y shabu; isang brown coin purse; at P500 buybust money.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na ang apat na suspek ay kabilang sa drugs watch list.

Nakakulong ang mga suspek at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings.

Nagsasagawa ng follow-up operation laban sa supplier ng droga ng mga suspek.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.