8,000 pulis ikakalat sa Paris, Eiffel Tower isasara

Balita - - Pangunahing pahina -

PARIS (AFP) – Tinatayang 8,000 pulis ang ikakalat sa Paris sa Sabado para sa planong protesta laban sa gobyerno, tumaas mula sa 5,000 nang mangyari ang bayolenteng demonstrasyon na yumanig sa kabisera noong nakaraang weekend, sinabi ni Prime Minister Edouard Philippe nitong Huwebes.

Sa buong bansa, magbabantay ang 89,000 pulis kumpara sa 65,000 noong nakaraang weekend, at isandosenang armoured vehicles ang dadalhin sa kabisera bilang bahagi ng ‘’exceptional’’ na mga hakbang para makontrol ang panganib ng karahasan, sinabi ni Philippe sa TF1 television.

Kaugnay nito, isasara ang Eiffel Tower, Louvre museum at marami pang mga tindahan sa Champs-Elysees dahil sa pinangangambahang karahasan sa protesta laban sa panguluhan ni Emmanuel Macron.

Sinisikap ng gobyerno na mapigilan ang isa na namang Sabado ng mga sinunog na sasakyan at mga habulan at pakikipagsagupa ng mga pulis sa ‘’yellow vest’’ protesters na galit sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na isinisisi nila sa mataas na buwis.

Sinabi ng isang interior ministry official sa AFP na naghahanda ang mga awtoridad sa ‘’significant violence’’ sa Sabado, batay sa mga indikasyon na nagbabalak ang mga nagpoprotesta kapwa mula sa far right at far left na magtipon sa kabisera.

Nagsimula ang ‘’yellow vest’’ protests noong Nobyembre 17 bilang pagtutol sa tumataas na buwis sa langis, ngunit lumawak na ito at naging malaking hamon sa pro-business agenda at istilo ng pamamahala ni Macron.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.