Pacquiao: Mahirap makisawsaw

Balita - - News - Vanne Elaine P. Terrazola

Nanawagan si Senator Manny Pacquiao sa Simbahang Katoliko na pangunahan ang dayalogo kay Pangulong Duterte upang magwakas na ang iringan sa pagitan ng Presidente at ng simbahan.

Isang lantarang Kristiyano, ito ang naging apela kahapon ni Pacquiao makaraan niyang idistansiya ang sarili sa sunud-sunod na banat ni Duterte laban sa mga lider ng Simbahang Katoliko.

“Mahirap magbigay ng comment diyan kasi may karapatan siya (Duterte). May na-experience siya noong bata pa siya. Hindi tayo ang nakakaalam kung ano ang naging experience niya,” sinabi ni Pacquiao sa panayam sa kanya ng DWIZ nang tanungin tungkol sa mga naging pahayag ng Presidente laban sa Simbahan.

“Kung ano man ang sinasabi niya, siya ang may experience noon. Sinasabi niya lang ang experience niya, so mahirap makisawsaw,” dagdag pa niya.

Kilala sa hayagang pag-atake sa Simbahan at sa Diyos sa kanyang mga talumpati, sinabi ni Duterte nitong Disyembre 5 na dapat na patayin na lang ang mga “walang silbi” na obispo na laging bumabatikos sa kanya.

“Itong mga obispo ninyo, patayin ninyo. Walang silbi ‘yang mga gag*ng ‘yan. All they do is criticize,” sinabi ni Duterte sa Presidential Award for Child-friendly Municipalities and Cities ceremonies sa Malacañang.

Una na niyang inakusahan ang isang obispo ng pagnanakaw mula sa donasyon ng Simbahan at pagkakasangkot sa droga, bukod pa sa pagsasabing halos lahat ng paring Katoliko ay bading.

Minsan nang tinawag ang Diyos na “stupid”, hinimok din kamakailan ni Duterte ang mga Katoliko na huwag nang magsimba at magtayo na lang ng kapilya sa kani-kanilang bahay para sumamba.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.