Bangkay ng Pinay, lumutang sa Malaysia river

Balita - - Pangunahing pahina - Bella Gamotea

Wala nang buhay at palutang-lutang sa ilog ang isang Pinay nang madiskubre ang kanyang bangkay sa Sabah, Malaysia, kamakailan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagpaabot na sila ng pakikiramay sa pamilya ni Madelyn Bernardo Asuncion, na natagpuang patay sa nasabing ilog, mahigit isang linggo na ang nakararaan.

Sa report na natanggap ng DFA mula sa Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, nadiskubre ng isang manggagawa sa planta ang bangkay ni Asuncion habang nakalutang sa Pengalan River sa Melalap, nitong Nobyembre 28.

Kaagad na ini-report sa mga awtoridad ang insidente.

Paliwanag naman ni Ambassador to Malaysia Charles Jose, may sapat na ebidensiya upang maituring ang kaso bilang homicide batay na rin sa ipinadalang report sa kanila ng mga awtoridad sa Sabah.

Sa ngayon hinihintay ng Embahada ang opisyal na report sa insidente at ang resulta ng awtopsiya ng mga awtoridad.

Si Asuncion ay tubong Zamboanga City subalit nanirahan siya sa kanyang ama sa Malaysia ng mahigit 10 taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.