Concert nakansela sa gulo, 50 sugatan

Balita - - Pangunahing pahina - Ni BELLA GAMOTEA

Umabot sa 50 katao ang nasugatan sa libreng concert sa isang shopping mall sa Pasay City nitong Biyernes ng gabi, iniulat kahapon ng Pasay City Police.

Sinabi ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, na nagtamo ng mga galos, nahapo, at nahilo ang nasa 50 katao na dumagsa sa Christmas concert sa concert grounds sa Pasay City.

Ayon sa pahayag ng organizer na Coca-Cola, nagkaroon ng tulakan, talunan sa barikada, at naghagis ng mga bottled water sa ilang bahagi ng lugar, na nagdulot ng banta sa seguridad ng mga concertgoers.

Kinumpirma naman ng pamunuan ng organizers na kaagad nabigyan ng medical attention ang mga nasugatang biktima.

Hiniling din ni Senior Supt. Flores sa organizers ng concert na itigil ang event, sa pangambang magkaroon ng stampede, dahil sumobra sa dami ang dumagsa sa lugar dahil libre ang nasabing pagtatanghal.

Sa taya ni Flores, nasa 20,000 katao ang dumating sa concert venue, kumpara sa 15,000 na estimate ng organizers.

Samantala, iginiit ng Coca Cola na prioridad nito ang kaligtasan ng mga tao at sinabing ire-reschedule na lang ang nasabing Christmas concert.

Bunsod naman ng biglaang kanselasyon ng concert, na-stranded ang libu-libong pasahero mula sa katimugang Metro Manila, tulad ng Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at Cavite dahil sa kakapusan ng mga masasakyan.

JUN RYAN ARAÑAS

BUMAHA NG TAO Stranded ang maraming tao na nagdulot ng matinding traffic sa Pasay City nitong Biyernes ng gabi, matapos na biglang kanselahin ang concert sa lungsod dahil sa pangamba sa seguridad ng mga dumagsa sa venue para sa libreng pagtatanghal.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.