2 carjacker, tigok sa shootout

Balita - - News - Jun Fabon

Tumimbuwang at kaagad na nasawi ang dalawa sa apat na umano’y carjacker sa pagtatapos ng shootout sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga suspek sa Quezon City, madaling araw kahapon.

Base sa report ni Insp. Nick Fontanilla, ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong 2:00 ng umaga kahapon nang mangyari ang habulan at barilan sa pagitan ng mga carjacker at mga pulis sa campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman.

Sa pahayag sa pulisya ng biktimang si Jeremy James C. Capucheno, 36, ng Beter Living Subdivision, Parañaque City, binabaybay ng minamaneho niyang Honda Dash motorcycle ang Anonas Avenue nang basta na lang siyang hinarang sa kanto ng Aurora Blvd. ng apat na suspek sakay sa dalawang motorsiklo na walang plaka.

“Tinutukan po ako ng baril at sapilitan nilang tinangay ang motorsiklo ko,” sinabi ng biktima sa pulisya.

Matapos tangayin ng mga suspek ang motorsiklo, mabilis na nakapagsuplong si Capucheno sa QCPD, na agad nagpalabas ng alarma at sa pagresponde ng mga awtoridad ay namataan ang apat na carjacker sa may CP Garcia sa campus.

Ayon kay Insp. Fontanilla, sinita ng mga pulis ang apat na suspek sa dalawang motorsiklo, pero pinaputukan umano ng mga ito ang mga awtoridad, na nauwi sa habulan at barilan.

Nasawi ang dalawa sa mga suspek, habang nakatakas naman ang dalawa pa patungo sa direksiyon ng Quirino Avenue.

Nakuha ng pulisya sa lugar ng insidente ang dalawang .38 caliber revolver, mga basyo ng bala, tatlong plastic sachet ng shabu, at nabawi ang Honda Dash motorcycle ng biktima.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.