Tunog ng kampana para sa lahat ng mabubuting tao

Balita - - Opinyon -

SA Martes, Disyembre 11, magbabalik na sa Pilipinas ang mga kampana ng Balangiga, Samar. Mahagit 117 taon matapos itong tangayin bilang isang ‘war booty’ ng mga tropa ng Amerikano sa isang madugong digmaan sa Samar. Mula Villamor Air base sa Pasay City, ililipad ito sa Balangiga sa Disyembre 15, upang sa pagsisimula ng Simbang Gabi, sa Disyembre 16, muli itong kakalembang sa kanilang lumang simbahan.

Ibinahagi ni Secretary of Defense Delfin Lorenzana na ipinaalam sa kanya ni United States Secretary of Defense James Mattis ang nakatakdang araw ng pagdating ng mga kampana sa Villamor Air Base. Sinabi ni Mattis na naipaabot na niya sa Kongreso ng US na ang pamahalaan ng US, makalipas ang isang taon proseso ng konsultasyon sa organisasyon ng mga beterano at mga opisyal ng pamahalaan, ay nagdesisyong sa wakas ay isauli na ang kampana. “This is my good news to you, that after 117 years, the bells will come where they should belong,” aniya.

Ang Balangiga ay isang maliit na bayan sa ngayo’y Eastern Samar, halos 98 kilometro mula sa Tacloban. Noong Setyembre 28, 1901, inatake ng mga Pilipinong guerrilla at mga residente ng bayan ang garrison ng US sa bayan, na kumitil sa 54 na Amerikanon sundalo. Naghiganti ang mga Amerikano ng isang kampanya sa buong Samar na kumitil sa mahigit 2,500 Pilipino.

Sa nakalipas na mga taon, marami nang pagtatangka upang maisauli ng Amerika ang mga kampana ng simbahan, ngunit mahigpit ang paghawak ng mga samahan ng mga beterano sa US at ng mga pamilya ng mga sundalong namatay sa atake noong Setyembre 28, 1901, sa mga kampana na itinuring nilang tropeyo sa digmaan. Maraming apela para sa pagpapauwi ng kampana ang nabalewala. Ngayong taon, bilang tugon sa binuhay na pagsisikap ni Pangulong Duterte, sa wakas ay nagdesisyon ang US na ibalik na ang mga kampana.

Sa pagbabalik ng mga kampana, magiging espesyal na alaala ang Disyembre ngayon para sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika. Hanggang nananatiling nakalagak ang mga kampana sa base ng US sa Wyoming at South Korea, nagsisilbi lamang itong alaala ng mapait at malupit na digmaan sa pagitan ng mga Amerikano at mga Pilipino. Matagal nang kinalimutan ng dalawang bansa ang digmaan, na natabunan na ng mga kaganapan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang makasamang lumaban ang dalawang bansa.

Ngayong araw, sa ikalawang Linggo ng adbiyento, kasabay ng seremonyal na pagsisindi ng kandila ng Kapayapaan ng Simbahan, makaraan ang unang kandila ng Pag-asa nitong nakaraang Linggo, marami tayong dapat maging sagisag ng pag-asa. Ang susunod na dalawang Linggo ng adbiyento ay nakasentro sa kandila ng Kasiyahan at huli ang Pag-ibig.

Isang magandang buwan ang Disyembre para sa mga Pilipino. Sa harap ng maraming pagsubok, nanatili tayong bansa ng Pag-asa, Kapayapaan, Kaligayahan at Pag-ibig. Sa muling pagtunog ng mga kampana ng Balangiga bilang hudyat ng pagsisimula ng Simbang Gabi sa Disyembre 16, hindi lamang ito tutunog para sa mga residente ng maliit na bayan ng Balangiga sa Samar ngunit para sa buong Pilipinas—at sa lahat ng mabubuting tao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.