Mushroom production sa Alaminos

Balita - - Opinyon -

HINIHIKAYAT ng lokal na pamahalaan ng Alaminos, Pangasinan ang mga sakop nitong komunidad na pumasok sa produksiyon ng mushroom bilang dagdag na mapagkakakitaan. Sa isang panayam nitong Huwebes, sinabi ni city agriculturist Arceli Talania na sinimulan na nila ang mushroom livelihood project nitong Agosto, sa isang 12-squaremeter mushroom house na nasa loob ng techno-demo farm sa Barangay Telbang, kung saan din matatagpuan Hundred Islands E-Kawayan Factory ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Talania na nakatuon ang pamahalaan ng Alaminos sa lahat ng posibleng maging programang pangkabuhayan na makatutulong sa mga barangay at kababaihan. kaya lubos umano ang suporta ng kanilang alkalde nang ihain sa kanila ang proyektong mushroom production.

Ang Oyster mushroom production, isa sa mga community-based livelihood project na ipinakilala sa mga grupo ng kababaihan, ay isang pagtutulungan na proyekto ng Pangasinan State University (PSU)-Alaminos campus, Department of Science and Technology (DoST) at ng lokal na pamahalaan.

Benepisyaryo umano ng proyekto ang mga miyembro ng Rural Improvement Clubs (RICs) at mga grupo ng mga magsasaka mula ilang baybaying barangay tulad ng Telbang, at mataas na barangay ng Tawin-Tawin at Bolaney.

Ibinahagi rin ni Talania na ang PSU ang nagpondo sa proyekto, na ibinigay din ng LGU at ng mushroom house, habang ang DoST ang nagsagawa ng mga seminar at pagsasanay para sa mga nakatanggap ng proyekto.

“Medyo mahirap manghikayat noong una dahil sa problema sa market. Pero noong nagsagawa ng livelihood training ang DOST at nakita nila na maganda pala ito dahil maraming pwedeng gawin sa mushroom gaya ng crispy mushroom at pickles, marami na ang nagta-try ng mushroom production,” paliwanag ni Talania.

Nagsimula ang City Agriculture Office (CAO) sa mahigit 600 mushroom fruiting bags, na inihanda mismo ni CAO coordinator Richard Espiritu.

Unang ginamit sa proyekto ang mga palay at kusot (saw dust) na hinaluaan ng tubig at inilagay sa isang fruit bags.

Sa tamang pag-aalaga sa mga mushroom, sinabi ni Talania na magiging regular ang pagtubo nito na maaaring maani sa loob ng tatlong buwan.

“Madali lang po ito, hindi kailangan ng malaking lugar. Pwedeng ilagay ang fruiting bags sa bandang itaas na lababo (kitchen sink) o saan mang medyo malamig na lugar sa inyong bahay. Hindi rin matakaw sa oras, pwedeng asikasuhin kapag tapos na ang mga gawaing bahay kaya ideal din ito para sa mga nanay,” paliwanag niya.

Ang mga naaaning mushroom ay ibinebenta sa mga pamilihan sa halagang P160 hanggang P200 kada kilo, habang ang iba ay ipinamimigay sa mga bisita mula sa ibang lokalidad na pumupunta. Nagbebenta rin sila ng mga fruiting bags sa P25 kada piraso.

.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.