Beyonce, magtatanghal sa kasal ng anak ng India’s richest man

Balita - - Showbiz - Reuters

MAGTATANGHAL ang U.S. singer na si Beyonce sa kasal ng anak ni si Mukesh Ambani, ang pinakamayamang personalidad sa India, kasama ang ilang Bollywood stars, at ang mga bisita ay lilipad sa 100 chartered flights patungo sa marangyang selebrasyon ng kasal.

Pakakasalan ni Isha Ambani, 27, si Anand Piramal, 33, sa financial capital ng Mumbai sa Martes, ngunit magsisimula ang pagdiriwang sa weekend sa desert city ng Udaipur. Tatagal ng tatlong araw ang pre-wedding rituals na punumpuno ng kantahan at sayawan.

Magkakaroon ang mga bisita sa kasal ng app para malaman at masundan ang lahat ng aktibidad, na kinabibilangan ng private concert ni Beyonce.

Mahigit 100 chartered flights ang lalapag sa sleepy airport ng Udaipur, inihayag ng source, na tumangging magpakilala, sa Reuters.

Dadalo rin sa nasabing kasal ang mga Bollywood stars, kabilang si Priyanka Chopra, na ikinasal nitong nakaraang linggo kay Nick Jonas.

Pagtataya ng Indian media, maaaring kabilang sa mga bisita sina dating U.S. President Bill Clinton, kasama ang kanyang asawa at ang Democratic candidate noong 2016 sa presidential election, si Hillary Clinton.

“The event will have many visitors from abroad, so customs and immigration counters have been set up at the airport and will remain active for the next five days,” lahad ng airport source.

Hindi isiniwalat ng source ang presyo ng pagko-concert ni Beyonce at wala pa ring inirereport ang media tungkol dito.

Pag-iisahin ng kasalan ang dalawa sa pinakamaimpluwensiyang pamilya sa India.

Si Ambani, chairman ng Reliance Industries, ay may net worth na $47 billion, report ng Forbes magazine. Ang Piramals ay may pharmaceuticals at real estate, at ayon sa ulat ng news magazine na India Today, binigyan nito ang couple ng 50,000-sq-foot (4,645-sq-m) sea-facing home sa Mumbai.

Beyonce

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.