Cardi B, bawal lumapit sa mga inaway na bartender

Balita - - Showbiz - Reuters

INATASAN ng New York judge nitong Biyernes ang rapper na si Cardi B na huwag nang gagawa ng kahit na anong komunikasyon sa dalawang bartender na umano’y inatake niya sa isang strip-club brawl, ngunit pinayagan ang rapper na manatiling malaya kahit na hindi siya dumalo sa unang hearing niya sa korte, noong nakaraang linggo.

Pinayagan ni Queens Criminal Court Judge Scott Dunn ang hip-hop star, tunay na pangalan ay Belcalis Almanzar, na manatiling malaya nang walang piyansa, lahad ng tagapagsalita ng Queens District Attorney’s Office. Matatandaang binantaan ng naturang judge si Cardi B na siya ay aarestuhin sakaling hindi ulit sumipot sa korte noong Lunes.

Hindi lang ito ang natanggap na magandang balita ng rapper dahil nitong Biyernes ay naging nominado ang kanyang single na I Like It para sa Grammy Award.

Kinasuhan si Cardi B, 26, ng reckless endangerment, harassment at assault dahil sa umano’y pambabato ng mga bote at upuan sa Angels NYC strip club sa New York City borough of Queens, makaraang makipag-away sa dalawang bartender sa club noong Agosto 29, ayon sa pulisya.

Inakusahan ng singer ang isa sa mga bartender na umano’y may relasyon sa kanyang asawang si Offset, miyembro ng rap trio na Migos, iniulat ng local media.

Naging usap-usapan din ang naturang couple ilang araw na ang nakalipas dahil sa pahayag ni Cardi B sa Instagram na nakipaghiwalay na siya kay Offset, tunay na pangalan ay Kiari Cephus.

Hindi kaagad nagpaunlak ng komento ang abogado ni Cardi B, si Jeff Kern, nang hingian ng opinyon, gayundin si Joe Tacopina, abogado ng dalawang bartender.

Nakatakdang bumalik sa korte si Cardi B sa Jan. 31 upang harapin ang misdemeanor charges. Kung mapapatunayang guilty, maaari siyang makulong ng hanggang isang taon.

Nakatanggap ang rapper ng limang Grammy Award nominations nitong Biyernes.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.