Pinoy lifters, may 24 medals sa Asian Classic

Balita - - Pangunahing pahina - Annie Abad

HUMAKOT ng medalya ang koponan ng Pilipinas sa ginaganap na Asian Classic PowerliftingChampionship sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Kabuuang 17 gintong medalya at 7 silvers na ang nahakot ng mga Pinoy Powerlifters na sina Anita Coyca, Jessa Mae Tabuan, Letecia Mancao, Rachel Mae Sabang, Mikee Neri at Rain Bautista.

Ayon kay Powerlifting Association of the Philippines president Eddie Torres, impresibo ang performance na ipinapakita ng mga powerlifters sa nasabing kompetisyon, gayung bumasag ang mga ito ng mga rekord sa nasabing sports.

"Magandang performance so far si Anita Coyca," sambit ni Torres. "Na-break niya ang Masters World record sa squat as well as several Asians Masters record," aniya.

Maging ang 19-anyos na si Rain Bautista ay sumira ng rekord sa Juniors event na ikinasiya ni Torres.

"Imagine 19 years old pa lang siya at nakakabreak na siya ng record na ganyan,Hanggang 23 years old ang juniors, so talagang marami pa siyang mga records na ibe-break," ayon pa kay Torres.

Kinokonsidera ni Torres na pinakamalakas na kalaban ang mga bansang Chinese-Taipei at Singapore, ngunit aniya, kakayanin pa ng koponan na patuloy na humakot ng medalya sa kompetisyon na nagsimula noong Disyembre 4 hanggang 8.

Habang sinusulat ang balitang ito, makakaharap naman ng Pilipinas ang mga bansang Kazakhstan, Mongolia at Japan sa huling araw ng kompetisyon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.