Balita

Taxi driver niratrat sa ‘masamang tingin’

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang taxi driver makaraang pagbabaril­in ng riding-intandem na nakaaway nito sa kalsada dahil umano sa masamang tingin, sa Sta. Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Tatlong tama ng bala ang tumapos sa buhay ni Juanchito Flores, 45, residente ng 193 R. Ramos Street, Barangay Tambobong, Bocaue, Bulacan.

Nakatakas naman ang dalawang suspek, na ang isa ay inilarawan­g nasa edad 40-45, 5’6” ang taas, nakasuot ng puting helmet, itim at pulang jacket at maong pants; habang ang isa pa ay hindi inilarawan ngunit makikilala umano ng mga testigo sa sandaling makita itong muli.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), na pinamumunu­an ni Police Senior Supt. Vicente Danao, naganap ang krimen sa P. Ocampo St., kanto ng Perlita St., sa San Andres Bukid, dakong 12:50 ng madaling araw.

Ayon sa saksi, sumakay siya sa puting Gelsie taxi (ACC-850) na minamaneho ng biktima, kasama ang kanyang kaibigan, upang umuwi na matapos na dumalo sa isang Christmas party sa Makati City.

Binagtas umano nila ang P. Ocampo St., patungo sa La Salle Taft at pagsapit sa isang traffic light ay bigla na lang silang dinikitan ng mga suspek, na sakay sa motorsiklo.

Pinukpok umano ng mga suspek ang bintana ng taxi at sinita ang driver sa masamang tingin hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo.

Pinayuhan umano ng saksi ang biktima na huwag nang patulan ang mga suspek dahil lasing ang mga ito at nang mag-”go” ang traffic light ay pinaandar na ng biktima ang taxi upang ihatid ang kanyang mga pasahero.

Gayunman, sinundan sila ng mga suspek at hinarang ang taxi kaya napilitan ang taxi driver na ihinto ang minamaneho­ng sasakyan.

Dito na umano bumaba ang suspek na naka-backride at nilapitan ang biktima at pinilit na pababain sa sasakyan.

Nakaramdam ng panganib, hindi tumalima ang taxi driver at tinangkang iurong ang taxi upang umalis, ngunit hindi umano sila tinigilan ng suspek at makalipas ang ilang sandali ay bumunot ng baril saka tatlong beses na pinaputuka­n ang biktima saka tumakas.

Narinig ng mga tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP), na sina PO1s Adonis Camacho at Elseo Lipay, Jr., ang mga putok ng baril kaya rumesponde, ngunit hindi nila naabutan ang mga suspek.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Patuloy ang imbestigas­yon sa insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines