Wala nang gangs sa Bilibid
Nagkasundo ang mga lider at miyembro ng gangs sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa na buwagin na ang kanilang mga grupo, nanumpang hindi na makikisangkot sa pagbebenta at paggamit ng mga ilegal na droga, pagbebenta ng kontrabando kabilang ang cell phones at mga alak, magtatago ng deadly weapons, at manggugulo.
Sa simbolikong seremonya na ginanap sa Maximum Security Camp (MSC) ng NBP kahapon sa pangunguna ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon, nagtipon ang gang leaders at sinunog ang mga bandila ng kani-kanilang grupo at lumagda sa kasunduan na nangangakong susunod sila sa patakaran.
Ayon sa BuCor, mayroong 12 gangs sa NBP. Ang Sigue Sigue Sputnik, ang pinakamalaki na mayroong 4,474 na miyembro, sinusundan ng Genuine Ilocano Group, 2,887; Batang City Jail, 2,326; Sigue Sigue Commando, 1,697; Bahala Na Gang, 1,272; Hapi Go Lucky, 1,216; Batang Mananalo (Batman), 951; Batang Cebu, 745; Batang Samar Leyte, 680; Batang Mindanao, 565; Bicol Region Masbate, 309; at OXO, 224.
Sa 19,653 preso sa Maximum Security Camp, 17,346 o 88.26 porsiyento ay gang members habang ang nalalabing 2,307 bilanggo, o 11.74%, ay kabilang sa querna, o mga walang inaanibang grupo.
Sinabi ni Faeldon na isa-isa niyang kinausap ang gang leaders para kumbinsihin silang buwagin ang kanilang mga grupo. Sa pagbuwag sa gangs, ire-reshuffle ang iba’t ibang grupo at titira sila sa mga dormitoryo kasama ng ibang gang members.