1 Jn 4:11-18 ● Slm 72 ● Mc 6:45-52
Pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.
Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madalingaraw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” PAGSASADIWA: Huwag kayong matakot.—Sa pagkabalisa ng mga alagad, si Jesus ay dumating. Sa halip na magalak sa pagkakita sa kanya ay natakot sila; iniisip nila na isa siyang multo. Ngunit sa katotohanan, naglalakad si Jesus sa tubig upang iligtas sila.
Ayon sa isang awitin: “Sa buhay ng tao, hindi lahat ay ligaya at kasiyahan. Dumarating ang sandaling mawawalan ka ng pag-asa sa buhay. Ang mga suliranin ay hindi mo mapaglabanan. Sa gabi at araw, nadarama ay kalungkutan. At laging guniguni n’ya nasasaisip tuwina’y kabiguan. Ngunit, dumalangin ka sa Poong Maykapal. At ikaw ay kanyang tutulungan.” Kailangan natin ang pananampalataya upang makita na sa likod ng takot, mayroong Diyos na magsasama sa atin sa mas magandang kalagayan.