Ex-US Marine, 1 pa dinakma sa pot session

Balita - - Balita - Bella Gamotea

Dinampot sa akto umanong bumabatak ng ilegal na droga ang dating US Marine at kasama nito sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Roy Allan Altar y Vetuz, 40, ng 4056 Kalayaan Avenue, Barangay Tejeros, Makati City; at Ronald Ang y Dicolen, 51, dating US Marine at Correction Officer, Immigration Naturalization Services of America, at nakatira sa Batac Ilocos, Norte.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nadakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 ng Makati City Police ang mga suspek sa loob ng bahay ni Altar sa 4056 Kalayaan Avenue, Bgy. Tejeros sa nasabing lungsod, dakong 2:15 ng madaling araw.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon si Chief Insp. Gideon Ines, Jr., Assistant Chief of Police for Operations ng pulisya, mula sa isang concerned citizen kaugnay ng nagaganap na pot session sa lugar kaya humingi ng tulong ng PCP 1 upang beripikahin ang report.

Agad na dinakip ang mga suspek nang madatnan umanong gumagamit ng droga sa lugar.

Narekober sa mga suspek ang isang pakete ng umano’y shabu, na may timbang na .04 gramo at nagkakahalaga ng P1,000; isang pakete ng umano’y marijuana, na may timbang na .1 gramo at nagkakahalaga ng P100; drug paraphernalia; at isang pulang Ford Explorer (WSB 166).

Nakakulong ang mga suspek at kakasuhan ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.