Balita

Bus, sinunog ng NPA sa Zamboanga

- Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY – Sinunog ng umano’y grupo ng New People’s Army (NPA) ang isang pampasaher­ong bus dahil umano sa hindi pagbabayad ng revolution­ary tax sa kilusan sa Zamboanga del Norte, kamakailan.

Ayon kay Police Regional Office 9 (PRO-9) Zamboanga Peninsula director, Chief Supt Emmanuel Luis Licup, agad na inako ng limang umano’y kaanib ng Secom Feliciano A ng NPA ang insidente.

Ang nasabing grupo ay nag-o-operate sa apat na bayan sa nabanggit na lalawigan, ayon kay Licup.

Aniya, limang armadong lalaki ang humarang sa nasabing bus na may plakang QEE-811 na pag-aari ni Sabino Gallo, ng Liloy, Zamboanga del Norte, na minamaneho naman ni Deonilo Asman Bucan, 48, may-asawa, ng Poblacion, Godod, sa Barangay Pucay Salug, ng nabanggit na lalawigan, nitong Miyerkules ng gabi.

Inihahayag ni Licup, sinabihan ng isa sa mga rebelde ang driver na “hindi sila nagbabayad ng buwis kahit madalas silang dumadaan sa nabanggit na lugar.”

Pinababa aniya ng mga rebelde si Bucan, kasama ang tatlong bus helper na sina Leo Lomondaya, 28, binata, ng Banawan, Godod; Nelson Dominding Ambahang, 28, may-asawa, at Celso Dominding Ambahang, pawang taga-Bgy. Poblacion, Godod at mga pasahero bago sinunog ang bus.

Nagpaputok pa ng baril ang grupo bago sila patungo sa liblib na lugar.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines