Didal at Means,umusad sa World semifinals
DALAWANG Pinay Pride ngayon ang inaabangan na makalusot sa semifinal round ng World Championship Street League Skateboarding PRO na ginaganap sa Rio de Janeiro sa Brazil.
Ito ay matapos na umakyat si Christiana Means sa semifinal round sa kanyang pagpuwesto sa ika-12 sa round of 24 kung saan una nang nakaakyat si 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal.
Ayon kay Skateboarding and Roller Skate Association of the Philippines (SRSAP) president Monty Mendigoria, tapik sa balikat ng sports ang kaganapan.
"This is the first time na sumabak tayo sa kompetisyon at dalawa pa sa atleta natin ang qualified in the semis," pahayag ni Mendogoria. "SLS is the biggest skateboarding competition in the world, participated in by the best skateboarders worldwide," aniya.
Sa mga bansa na lumahok buhat sa Asia, tanging ang Pilipinas at Japan lamang ang nakalusot sa semifinal round.
Ang nasabing kompetisyon ay isa sa apat na kompeitsyon para sa Olympic ranking, at upang makapasok sina Didal at Means sa 2020 Tokyo Olympics, kailangan nila na makaakyat sa ika-38 puwesto upang makapasok sa susunod na qualifying game para sa Tokyo Games.
"Margie and Christiana should be on top 38 for them to be given a slot in the Olympic qualifyer," pahayag ni Mendigoria.
Malalaman ngayon o bukas ng umaga kung makakaalpas sina Didal at Means sa semis ng nasabing kompetisyon.