Suspek, biktima sugatan sa hostage drama

Balita - - Pangunahing Pahina - Bella Gamotea

Kritikal ang isang miyembro ng Barangay Security Force (BSF) nang saksakin sa ulo ng hostage-taker sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.

Patuloy na inoobserbahan sa Taguig-Pateros District Hospital si Ricardo Sanchez y Marcelo, nasa hustong gulang, miyembro ng BSF ng Barangay Bagumbayan, at nakatira sa No. 455Z Purok 6, Barangay Bagumbayan, Taguig City.

Nilalapatan din ng lunas sa naturang ospital ang suspek na si Marlon Malvencio y Venacio, nasa hustong gulang, tubong Ilocos Norte, residente sa Joseph Citt, Road 10 Extension, Bgy. Bagumbayan sa nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala sa katawan mula sa mga rumespondeng pulis.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang hostage-taking sa Joseph Citt, Road 10 Extension, Bgy. Bagumbayan, bandang 2:50 ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon nina SPO3 Cornelia Diones at PO3 Morced Lagensay, ng Taguig City Police, humingi ng tulong sa Barangay Security at sa Police Community Precinct (PCP) 3 ang kapatid at ina ng suspek dahil sa pagwawala nito.

Sa pagresponde ng biktimang si Sanchez, tinangka nitong awatin ang suspek ngunit bigla siyang hinostage ni Malvencio, na armado ng kutsilyo at matulis na kahoy.

Sa pagdating ng mga pulis, kabilang si PO1 Israel Razon, nakipagnegosasyon ang mga ito sa suspek ngunit sinaksak nito ang ulo ng biktima.

Nang saksakin muli ng suspek ang biktima, dito napilitan si PO1 Razon na barilin si Malvencio.

Nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.