Balita

Ahas

- R.V. VILLANUEVA

Ika-22 labas

KUNG nagulat si Leo nang makita ang kanyang biyenan na kausap ang albularyon­g si Lolo Onyong, tila nataranta naman ito pagkakita sa kanya. Napansin niya, gusto nga sana nitong umalis kaagad pagkakita sa kanya. Saka lamang ito natigilan nang salubungin niya ito.

“Me mga itinanong lang ako,” sabi nito.

“Marami rin ho akong itatanong,”pakli niya. “Naguguluha­n kasi ako sa mga nangyayari.”

“A, oo, mas mapapaliwa­nagan ka n’ya,” anito. “Sige, mauna na ako’t me gagawin pa ako sa bahay,” dugtong pa nito at pasagsag na naglakad.

Sinundan niya ito ng tingin. Naging palaisipan kay Leo ang naging reaksiyon ng kanyang biyenan. Kanina lang, pagdating niya, maayos naman itong bumati sa kanya. Anupa’t nagpaalam pa nga ito sa kanya, na may pupuntahan at kakausapin na tao, at para mabigyan na rin silang mag-asawa na makapag-usap nang masinsinan.

Wala sa isip ni Leo na kay Lolo Onyong pala ang punta ng kanyang biyenan.

“’Musta, ‘Lo,” bungad niya nang makaakyat at makaupo sa tabi ng albularyo. “Ba’t parang nagmamadal­i naman ho yatang umalis si Inay.”

“Me kelangan daw gawin,” sagot nito.

Nilingon niya ang kanyang biyenan ngunit wala na ito. Gusto sana niyang tanungin ang albularyo kung ano ang itinanong ng kanyang biyenan dito, pero mas pinili niyang manahimik. Para sa kanya, kalabisan na iyon. Pero duda siya na may kaugnayan din sa pangangana­k ng kanyang asawa ang naitanong o napag-usapan ng mga ito.

“Mabuti naman at nakauwi ka agad,” anito.

“Oho,” baling niya rito. “Tinawagan ako ni Inay. At bago ako pumunta rito, nakausap ko na si Minda, at naik’wento na niya sa akin ang lahat. Pero ang sabi niya, higit na ikaw daw ang makapabiga­y ng linaw sa lahat ng nangyari.”

Namalaging nakatingin sa kanya ang albularyo.

“Naguguluha­n pa rin ako sa nangyayari,” patuloy niya. “Parang hindi makapani-paniwala.”

“Hindi ka naniniwala sa k’wento ng asawa mo?”

“Naniniwala ho. Pero sa panahon kasi ngayon, me nangyayari pa bang gano’n?”

“Hindi naman kumikilala ng pagbabago ng panahon ang mga engkanto.”

Napaisip siya, sa isang banda, aminado siyang may punto si Lolo Onyong.

“Sa edad kong ito, marami na akong natawas na naengkanto, o nabuntis ng engkanto,” patuloy nito. “Ang totoo nga n’yan, hindi na bagong kuwento ‘to. Nagulat lang ako kung bakit parang naninibago pa ang mga tao at kung ano-anong tsismis na ang ipinagkaka­lat tungkol sa asawa mo.”

Iyon nga marahil ang tsismis na ipinaalala sa kanya ng asawa, naisip niya.

“Naniniwala siguro sila na isang katatawana­n ang mga pangyayari­ng gano’n, lalo na sa modernong panahon,” pakli niya.

“Katatawana­n sa iba dahil hindi kasi sila nakaranas,” katwiran ng albularyo. “Hindi ba kahit ikaw, ilang beses na ring naranasang paglaruan ng engkanto?”

“Oho,” pag-amin niya. “No’ng binata pa ako.”

“At kung maalala mo si Adelfa, ‘yong namatay ang anak na lalaki na tinatawag na anak-araw?”

“Oho,” tango niya. “’Yong sinasabi na engkanto raw ang ama, kaya gano’n ang hitsura.”

“Totoo ‘yon, dahil ako ang nagtawas no’n,” pakli ng albularyo. “Kaya naman nagpatawas sa akin si Adelfa no’n dahil nagtataka siya kung bakit hindi na siya dinadatnan. At me hinala siya na buntis siya dahil sa mga lumalabas na sintomas. At nang tawasin ko, ‘yon nga, buntis siya at engkanto ang nakabuntis.”

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines