Balita

6,000 katao nakiisa sa unity walk sa halalan

- Nina CHITO A. CHAVEZ at JUN FABON

Sandaling huminto ang daloy ng trapiko kahapon sa pagmartsa ng tinatayang 6,000 estudyante, mga indibidwal mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at iba pang grupo para sa Unity Walk, Inter-Faith Prayer Rally sa Quezon City Memorial Circle para ipanawagan ang maayos, mapayapa, at tapat na halalan sa Mayo.

Kabilang ang mga tauhan mula sa Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government (DILG), National Police Commission (Napolcom), Department of Justice (DoJ) at Department of Education (DepEd) sa mga ahensiya ng pamahalaan na may pinakamara­ming kinatawan sa okasyon.

Dakong 2:00 pa lamang ng madaling araw ay nakabantay na ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga kalahok.

Nauna rito ay pinayuhan ni QCPD director, Chief Supt. Joselito T. Esquivel Jr., ang mga motorista sa bahagi ng Quezon Memorial Circle kaugnay sa okasyon sa umaga.

Dakong 4:00 ng umaga nang magsidatin­gan ang mga kalahok.

Isinara ang isang bahagi ng Elliptical Road, mula East Ave. hanggang Kalayaan Ave., dakong 5:00 ng umaga.

Nagtipun-tipon ang mga kalahok sa unity walk sa harapan ng Quezon City Hall, partikular sa Sunken Garden sa open roads patungo sa Gate 8.

Mula sa Sunken Garden, dumiretso sila sa QCMC para sa inter-faith prayer rally at paglalagda ng peace covenant sa Liwasang Aurora, kung saan nagtalumpa­ti ang mga panauhing padangal kabilang sina Philippine National Police Chief, Director General Oscar Albayalde; Armed Forces of the Philippine­s Chief-of-Staff, Gen. Benjamin R. Madrigal Jr.; at Commission on Elections Chairman, Sheriff Abas.

Nagtapos ang aktibidad sa pagpapalip­ad ng mga puting kalapati bilang simbolo ng kapayapaan at pagkakaisa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines