Balita

Hinarang sa checkpoint, buking sa ‘shabu’

- Mary Ann Santiago

Bistado sa droga ang isang tricycle driver sa Comelec checkpoint sa Sta. Ana, Maynila, kahapon.

Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehens­ive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa ng mga pulis laban kay Paulino Lim, nasa hustong gulang, matapos na mahulihan ng dalawang pakete ng umano’y shabu.

Sa ulat ng Sta. Ana Police Station 6 (PS-6), na pinamumunu­an ni Police Supt. Albert Barot, si Lim ay naaresto sa New Panaderos Street, kanto ng Lamayan St., sa Sta. Ana, dakong 1:00 ng madaling araw, isang oras nakalipas nang umpisahan ng MPD ang mga Comelec checkpoint bilang hudyat nang pagsisimul­a ng election period at gun ban sa bansa.

Habang nagsasagaw­a ng checkpoint ay namataan ng mga pulis ang suspek kaya hinarang at hiningian ng lisensiya.

Kapansin-pansin umanong nangingini­g sa takot ang suspek dahil sa presensiya ng mga alagad ng batas.

Nang ilabas ng suspek ang kanyang wallet, nadiskubre ng mga pulis ang nakaipit na dalawang pakete ng umano’y shabu.

Katwiran ng suspek, hindi sa kanya ang droga at posibleng napasama at naipit lamang ito nang magbayad ng pamasahe ang kanyang pasahero.

Agad na binitbit ang suspek sa presinto.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines