5 Bacolod Police officials, sibak sa droga

Balita - - Pangunahing pahina - Nina FER TABOY at BETH CAMIA

Sinibak kahapon ng Philippine Nagtional Police (PNP) ang limang opisyal ng Police Regional Office-Region 6 (PRO-6) matapos pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na protector umano ng illegal na droga sa rehiyon.

Kabilang sa mga sinibak sa posisyon sina Senior Supt. Francisco Ebreo, officer-in-charge (OIC) ng Bacolod City Police Office (BCPO); Police Supt. Allan Macapagal, Deputy for Operations; Supt. Richie Yatar; Supt. Nassrudin Tayuan, dating team leader ng Bacolod City-Drug Enforcement Unit at nakabase na ngayon sa Mindanao; at Senior Insp. Victor Paulino, dating hepe ng Police Station 3 ng BCPO.

Isinagawa ni PRO 6 director, Chief Supt. John Bulalacao, ang pagsibak batay na rin sa kautusan ng pangulo na nagbunyag na sangkot ang limang opisyal sa operasyon ng iligal na droga sa rehiyon.

Inihayag ni Duterte ang pagsibak sa mga ito nang dumalo siya sa birthday party ni Leo Rey Yanson, chief executive officer ng Vallacar Transit sa Bacolod City, nitong Sabado ng gabi.

Ayon kay Bulalacao, pinagrereport ng pangulo sa Malacañang ang limang opisyal ngayong Lunes, dakong 2:00 ng hapon.

Ibinunyag pa ni Duterte na sangkot din sa illegal drugs si Councilor Ricardo “Cano” Tan.

Si Tan ay naiulat na tinambangan noong nakaraang buwan, kasama ang kanyang asawa ngunit nakaligtas ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.