Balita

Gumagawa ng pekeng ID, kalaboso

- Jhon Aldrin Casinas

Kinasuhan ang isang t-shirt printing shop owner na umano’y gumagawa ng mga pekeng identifica­tion (ID) cards ng mga paaralan at establisye­mento sa San Juan City nitong Lunes, kinumpirma ng awtoridad kamakalawa.

Ayon kay Senior Supt. Dindo Reyes, San Juan City Police chief, kasong Falsificat­ion of Private Documents and Violation of Intellectu­al Property Code ang inihain sa City Prosecutor­s’ Office nitong Lunes laban kay Angelito Benipayo, 40, graphic artist, ng Barangay West Crame, San Juan City.

Dinampot si Benipayo sa entrapment operation sa kanyang tindahan sa loob ng Theater Mall in Greenhills Shopping Center, nitong Enero 19.

Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng isang unibersida­d, na nirepresen­ta ni Michael Jacinto Mallillin, 49, ng Bgy. Concepcion Uno, Marikina City.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Mallillin na kinumpiska ang pekeng school ID ng school security guard mula sa isang estudyante na nagtangkan­g pumasok sa paaralan sa Quezon City.

Ayon kay Reyes, inamin ng estudyante na bumili siya ng pekeng ID, sa halagang P350, sa isang t-shirt print shop ni Benipayo sa Greenhills, San Juan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan si Mallillin at ang university officials sa San Juan City Police para sa entrapment operation laban kay Benipayo.

Sinabi ni Reyes na sa kasagsagan ng operasyon, ilang estudyante ang dumating sa lugar at bumibili ng mga pekeng ID.

Nakumpiska ng awtoridad ang kabuuang 30 pekeng postal, school, at company ID cards. Kinumpiska rin ang mga computer, printers, scanners, laminating film machines at cutters na ginagamit sa paggawa ng pekeng ID.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines