Balita

2 Batang City Jail, huli sa follow-up ops

- Mary Ann Santiago

Pinosasan ang dalawang miyembro ng Batang City Jail (BCJ), na kapwa umano sangkot sa serye ng holdapan at snatching, sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa.

Nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD)-Sta. Ana Police-Station 6 sina Mark John Musni, 28, ng 1811 Int. 56 Bo. Sta. Maria, Paco, Maynila; at Raymond Dulot, 32, ng 1661 Estrada Street, Sta. Ana, habang pinaghahan­ap ang isa pa nilang kasama na si Joven Galang, ng 1545 Bo. Sta. Maria St., Paco.

Nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek sa reklamo ni “Ana”, na ayaw magpabangg­it ng tunay na pangalan.

Aniya, naglalakad siya sa Zafiro St., kanto ng A. Francisco St., sa Sta. Ana, nang dikitan ng tatlong suspek, dakong 1:00 ng madaling araw.

Tinutukan umano siya ng baril at kinuha ang kanyang cell phone at sling bag, na may laman na P2,000, at power bank.

Agad siyang nagsumbong sa awtoridad at nadakip ang mga suspek sa follow-up operation ng mga tauhan ng MPD-San Andres Bukid Police Community Precinct (PCP), at nabawi ang cell phone at sling bag ng biktima, ngunit wala na ang cash.

Habang iniimbesti­gahan, isa pang biktima ng mga suspek, kinilalang Girlie Ortega, call center agent, ang dumating sa istasyon at inireklamo sina Musni at Galang sa pagtangay sa kanyang cell phone sa Revillien St., Sta. Ana nitong Enero 20, sa ganap na 1:30 ng hapon.

Itinuro ng mga suspek kung kanino nila ibinenta ang cell phone ni Ortega kaya nabawi ito ng biktima.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code o Robbery (Hold-up), Robbery (Snatching), at sa Omnibus Election Code (Gun ban).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines