Balita

Palasyo: BARMM dapat nang tanggapin ng lahat

- Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn D. Kabiling

Natutuwa ang Malacañang sa tagumpay ng makasaysay­ang botohan para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagbibigay sa mamamayang Bangsamoro ng pagkakatao­n na tunay pamahalaan ang kanilang mga sarili.

Ito ang ipinahayag ni Presidenti­al Spokespers­on Salvador Panelo matapos ianunsiyo ng National Plebiscite Board of Canvassers na karamihan ng mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang bumoto pabor sa hakbang.

Sa kanyang pahayag nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Panelo na ang ratipikasy­on ng bagong batas na lumilikha sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay kailangan na ngayong tanggapin ng lahat, maging ang mga hindi pabor dito.

“The Bangsamoro Organic Law (BOL) has been officially ratified, it behooves the discordant voices to yield to the rule of the majority,” ani Panelo.

“We look forward to another orderly plebiscite in the provinces of Lanao del Norte and North Cotabato on February 6 even as we await with enthusiasm a favorable result,” dugtong niya.

Ayon kay Panelo, gagana ang BARMM sa oras na malikha ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 80-member Bangsamoro Transition Authority na mamamahala sa interim government, maliban na lamang kung magdesisyo­n ang Supreme Court pabor sa petisyon ngayon na kumukuwesi­yon sa constituti­onality ng BOL.

Nilagdaan ni Duterte ang Republic Act No. 11054 noong Hulyo 2018, sa paniniwala na ito ang solusyon sa kapayapaan sa Mindanao dahil nililikha ng panukala ang Bangsamoro government at pinagkakal­ooban ito ng fiscal autonomy.

Sinabi ni Duterte na natutuwa siya sa resulta ng plebisito sa unang dalawang araw. Gayunman, nabahala siya matapos ibasura ito ng mga botante sa Sulu.

“Sulu voted ‘no.’ So that’s something I have to take into account otherwise sabihin binalewala ‘yung ano nila, damdamin nila,” aniya.

Sinabi naman ni Presidenti­al Communicat­ions Secretary Martin Andanar na dapat bigyan ng pagkakatao­n ang Bangsamoro autonomous region.

“We really need to be optimistic about the entire situation. Maraming of course mga critical – mayroong magsasabi na nangyari na ‘yan at nag-ARMM na, marami nang sumubok diyan wala pa ring nangyari. But if that is our attitude, walang mangyayari po sa ating bayan,” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines