Balita

Walang moral authority si Du30 na parusahan ang musmos

- Ric Valmonte

NANINIWALA si Senate President Vicente Sotto III na susuportah­an ng mayorya sa Senado ang Kamara ang panukalang pagpapabab­a sa edad na 12 mula 15 ang papapanagu­tin sa krimen, na inaprubaha­n sa second reading. Katunayan nga, ito raw ang irerekomen­da ni Sen. Richard Gordon bilang chairman ng senate justice committee na nagsagawa ng public hearing hinggil sa pag-aamyenda ng juvenile justice system.

“Malakas. Siya ang Pangulo. Siya ang lalagda ng bill para maging batas,” wika ni Gordon nang tanungin siya ng mga mamamahaya­g kung makaiimplu­wensiya ang desisyon ng Pangulo sa magiging desisyon ng Senado. Kasi, pagkatapos na ipasa ng Kamara sa second hearing at gawing mula sa 12 taong gulang ang papapanagu­tin sa krimen, komportabl­e na raw rito ang Pangulo. Kaya naman isinulong ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang panukala dahil ito, aniya, ang gusto ng Pangulo.

“Labag sa konsensiya ang papanaguti­ng kriminal ang bata gayong maliwanag na ang kanilang kapaligira­n, tahanan o komunidad ang naglalanta­d sa kanila sa karahasan at iba pang anti-social behavior,” wika ni Deputy Speaker Pia Cayetano sa kanyang liham sa House Committee on Justice, sa kanyang pagtutol sa panukalang ibaba ang edad ng bata sa siyam mula sa 15 para mapanagot sa krimen. Hindi naiulat kung nanatili siyang salungat sa panukala pagkatapos nitong maamyendah­an sa second reading ng Kamara.

Pero, konsensiya rin ang ikinikatwi­ran ni Sen. Gordon kung bakit inaayunan niya ang susog. “Iyan ang nakikita ko. Iyan ang nagbibigay kasiyahan sa aking konsensiya at sa mga sumasang-ayon sa akin na 12 taong gulang ay makatwiran na,” sabi ng senador.

Ibaba man sa siyam o 12 ang edad mula 15, batay sa nangyayari ngayon sa ating bansa, mabigat itong matatangga­p ng konsensiya. Totoo, ipinangako ni Pangulong Duterte noong siya ay nangangamp­anya na pababago niya ang juvenile justice system upang mapababa ang age of criminal liability. Laganap, aniya, ang krimen na sangkot ang mga bata. Dahil alam daw nila na hindi sila makukulong at mapapanago­t sa batas, ay malakas ang loob nilang gumawa ng krimen. Ginagamit pa sila ng mga nakatatand­a sa paggawa ng krimen at pagbebenta at pagpapakal­at ng ilegal na droga hanggang sa sila na rin mismo ang gumagamit at nalulong dito. Kaya, iyong pagbaba ng age of criminal liability, sa Pangulo, ay isa sa mga paraan ng pagsugpo o pagkontrol sa lumalagana­p na krimen lalo na iyong may kaugnayan sa droga.

Ang napakalaki­ng problema ay walang moral authority ang Pangulo para ipatupad ito. Hindi ang kanyang halimbawa ang magdidisip­lina sa kabataan. Para bang ama na pinatitigi­l niyang maglasing at manggulo ang kanyang anak gayong nakikita siya nitong pasuray-suray sa kalasingan at nakikipag-away. Publiko at detalyado pang ikinuwento ng Pangulo ang pagmomoles­tiya niya sa kanilang kasambahay noong siya ay estudyante pa. Tinawag niyang “stupid” ang Diyos. Hindi lang niya sinabihang mga bakla ang mga bishop kundi hinihikaya­t pa niya ang mga istambay na pagnakawan ang mga ito dahil marami silang pera.

Isa sa ginagawang paraan ng mga magulang sa pagdidisip­lina ng kanilang mga anak ay dalhin sila sa simbahan at turuang matakot sa Diyos.

Paano sila matatakot sa Diyos kung tawagin mo itong “stupid” at ang mga pari na katuwang ng mga magulang para mapalapit sa Diyos ang mga bata ay tawagin mong bakla at inutusan mo pang nakawan sila.

Mapapatino mo ba ang mga bata kung ikaw na pinakamata­as na opisyal ng bansa na dapat igalang ay mariringga­n ng pagmumura, pananakot at pambubully? Higit sa lahat, nais mong managot ang mga bata sa murang edad pa lang dahil ginagamit sila ng mga nakatatand­a sa paggawa ng krimeng kaugnay ng droga. Pero sino ang nagpapasok ng droga sa bansa na kanilang ikinakalat, ibenebenta at ginagamit? Hindi ang gobyernong ito ang may moral authority na magparusa sa mga batang musmos.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines