Ang mga naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay
SA nakalipas na ilang dekada, ang Laguna de Bay ay sinasabi at itinuturing na parang isang santuwaryo at paraiso ng mga mangisngisda sa lalawigan ng Rizal at Laguna, lalo na ng mga nakatira malapit sa tabi ng lawa. Ang dahilan: Maraming nahuhuling isda ang mga mangingisda sa pamamagitan ng iba’t ibang pamalakaya na ginagamit sa pangingisda. Nakakahuli sila ng kanduli, karpa, biya, mga ayungin, tilapia at bangus.
May nahuhuli ring mga bidbid, buwan- buwan, gurami at mga kambungayngay at dulong. Sa ngayon, bihira na ang mga isdang bidbid at buwanbuwan. Idagdag pa na nawala na rin ang mga isdang talilong at tagan (isang uri ng isda na katulad ng pating). Ang mga nabanggit na isda ay tangay o kasama ng tubig-alat na mula sa ilog Pasig na labas-pasok naman sa Laguna de Bay. Wala pa ang Napindan channel noon. Sa ngayon, ang nahuhuling mga isda sa Laguna de Bay ay mga kanduli, biya, mga ayungin, dalag, bangus at tilapia, big head at mga karpa.
Sa paniniwala at karanasan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay, ang tubig-alat ang nagpapalinaw ng tubig sa lawa. Namamatay ang mga water lily. Nagla-love making at nakapangingitlog ang mga isda. Tumutubo rin sa mababaw na bahagi ng lawa ang mga halamang dagat na mga Sintas at Digman Pinamumugaran na tinitigilan ng mga hipon na nahuhuli naman sa pamamagitan ng sakag (uri ng panghuli ng mga hipon na hugis-letrang Y na may nakakabit na pinong lambat).
Maayos at maganda ang buhay at pamumuhay noon ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Ang pamalakaya ng mga taga-Rizal ay pukot (rawl fishing), mga kitid at pante. Ang mga pante at kitid ay ang gamit ng mga mangingisdang hindi sumasama sa pukot. Palibhasa’y sagana sa isda ang Laguna de Bay, maayos at maganda ang buhay nila. Nakapagpaaral at napagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Marami ring may-ari ng pukot ang yumaman at gumanda ang buhay. Ngunit nang maging mahirap ang panghuhuli ng mga isda sa lawa at unti-unting nagsulputang parang kabute ang mga fishpen, ipinagbili na ng ibang mangingisda ang kanilang mga lambat na gamit sa pangingisda pati na ang kanilang mga bangka. Nag-iba ng hanapbuhay. Nagnegosyo ang marami at ang iba’y namasukan at nagtrabaho sa mga pabrika.
Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, nabatid na ang pamumukot ang pangunahing hanapbuhay ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Sinasabing maraming may-ari ng pukot sa Angono, Rizal. Nabigyan ng mga ito ng hanapbuhay at natulungan ang mga manginisdang walang mga kitid, pante at bangka magagamit sa pangingisda. At palibhasa’y marami ring nakakahig na mga suso at nahuhuling mga hipon sa sakag, maraming taga-Rizal, ang nag-alaga ng mga itik. Maraming mag-iitik sa Rizal ang gumanda ang buhay at napagtapos ng pagaaral sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Ngunit nang maging mahirap na ang pagkahig ng mga suso sa lawa at pagsakag ng hipon, napilitan ang ibang nag-aalaga ng mga itik na ipagbili na ang kanilang mga alagang itik.
Nag-iba na sila ng hanapbuhay.
Bukod sa mga nabanggit na naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay, ang iba pang gamit sa pangingisda tulad ng suklob, baklad, pante at sakag ay ipinagbili na. Ang iba naman mangingusda na ang pinagkukunan ng ikinabubuhay ay sa Laguna de Bay, nagpatuloy sila ng pangingisda gamit ang naipundar na mga lambat at bangka. Nagpatuloy sa kanilang pangingisda. May araw na maraming huling mga isda at may araw namang kakaunti. Hindi naman nasisiraan ng loob ang mga mangingisda at patuloy ang paghahanapbuhay sa lawa.
Tuwing umaga sa punduhan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Barangay San Vicente, karaniwang tanawin ang dumarating na mga mangingisda at mga namimili ng isda. Masaya ang namimili ng mga isda sapagkat wala pang patong na presyo sa bawat kilo ng biniling isda.
Ang mga pukot ay ang naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay partikular sa Angono, Rizal. Ngunit sa kabila ng pagkawala nito, hindi naman naglaho ang kitid at pante. Sa bahagi naman ng Binangonan at Cardona, Rizal partikular sa Talim Island, ang hanapbuhay ng mga mangingisda ay ang pagkakaroon ng mga fish cage at fishpen.