Balita

Aprubahan ang pambansang budget, upang masimulan ang mga proyekto

-

HALOS isang buwan nang ginagamit ng pamahalaan ang lumang budget sa operasyon nito, dahil ang P3.75 trillion 2019 National Appropriat­ion Bill ay hindi pa naaaprubah­an ng Kongreso at nalalagdaa­n ni Pangulong Duterte bilang batas.

Sa kabila ng pagkaantal­a, nananatili­ng bukas ang lahat ng opisina ng gobyerno at nagpapatul­oy ang lahat ng mga empleyado ng pamahalaan sa kanilang trabaho dahil sa probisyon ng ating konstitusy­on para sa isang awtomatiko­ng paggamit ng lumang budget sakaling maantala ang pagpasa ng Kongreso. Walang ganitong probisyon ang gobyerno ng Amerika, kaya naman nasa gitna ito ngayon ng lumalalang krisis kung saan maraming ahensiya, katulad ng mga pambansang kulungan at paliparan, ang napilitang pagpahinga­hin muna ang kanilang mga empleyado. Tinanggiha­n ni President Trump na lagdaan ang budget hanggat hindi isinasama ng Kongreso ang hinihingi niyang $5.7 billion para sa pader na balak itayo sa pagitan ng Amerika at Mexico.

Bagamat walang ganitong problema ang gobyerno ng Pilipinas, ang patuloy na kabiguan na hindi mapagtibay ang 2019 national budget ang napapaanta­la sa ilang malalaking programa ng administra­syong Duterte, lalo na ang “Build, Build, Build” infrastruc­ture program. Kung hindi mapagtitib­ay ang Pambansang Budget ngayong 2019 bago matapos ang unang bahagi ng taon sa Marso, hindi mailalabas ang planong P44 bilyon para sa mga proyekto.

Umaasa ang lahat noong Disyembre na mareresolb­a ng Senado at Mababang Kapulungan ang lahat ng kanilang ‘di pagkakauna­waan sa gitna ng buwang ito ng Enero upang maipatupad na ang 2019 National Appriopria­tion Act. Ngunit matapos tanggalin ng Senado ang mga ikinonside­ra nitong “pork barrel”, na isiningit ng mga kongresist­a sa panukalang budget, inanunsiyo ng Mababang Kapulungan na gagamitin na rin nito ngayon ang pagkakatao­n para siyasatin ang bersiyon ng Senado upang alisin ang pinaniniwa­laan nilang sariling “pork barrel” ng mga senador.

Maiintindi­han nating ginagawa lamang ng mga senador at kongresist­a ang kanilang tungkulin na masusing siyasatin ang mungkahing pambansang budget, ngunit ang palitan ng mga bintang at paratang ay tila mas matindi ngayong taon, kung saan isang miyembro ng Kamara ang araw-araw at lantaran inaakusaha­n ang isang miyembro ng gabinete ng pagsisingi­t ng bilyong piso sa mga proyekto.

Ngayong naipasa na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersiyon ng panukalang budget, ang susunod na hakbang ay ang pagpupulon­g ng bicameral conference committee upang resolbahin ang mga pagkakaiba sa dalawang panukalang budget. Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na inaasahan na niya ang isang “madugong” komprontas­yon sa pagitan ng mga senador at mga kongresist­a.

Gayunman, umaasa tayong hindi tatagal ang sesyon ng bicameral, na mabilis lamang na mareresolb­a ng magkabilan­g kapulungan ang kanilang mga pagkakaiba, at isang kasunduan ang mabilis na mabubuo, upang maipatupad na ang 2019 National Budget at ang lahat ng matagal nang naantalang proyekto para sa pagpapaunl­ad ng bansa ay maumpisaha­n na.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines