Balita

NU Bullpups, liyamado sa Final Four

- Marivic Awitan

ISANG panalo na lamang ang kailangan ng Nazareth School of National University upang makamit ang target na twiceto-beat advantage sa Final Four matapos padapain ang University of the East ,77-56, kahapon sa pagpapatul­oy ng UAAP Season 81 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Buhat sa dikdikang laban sa unang tatlong quarters, rumatsada ang last year’s runner-up Bullpups at nagtala ng 20-4 blast sa final period upang makopo ang panalo.

Nagsanib puwersa ang twin towers na sina Carl Tamayo at Kevin Quiambao para pamunuan ang nasabing ratsada. Nagposte si Quiambao ng 15 puntos at 6 rebounds habang tumapos si Tamayo na may 15 puntos at 13 rebounds kasunod ng topscorer na si Gerry Abadiano na may 17 puntos, 4 rebounds, 4 assists, at 2 steals.

Dahil sa panalo, umangat ang Bullpups sa 11-1at tumatag sa kanilang pamumuno.

Sa isa pang laban, lalong pinalabo ng defending champion Ateneo de Manila ang tsansa ng University of Sto. Tomas matapos gapiin ang huli, 87-78.

Umiskor si Kai Sotto ng 33 puntos, 11 rebounds, at 5 assists upang pamunuan ang panalo.

Nanguna sa UST na bumagsak sa markang 5-7 si Mark Nonoy na may 27 puntos, 5 steals, 3 rebounds, at 2 assists.

Pinamunuan naman ang matagal nang ousted na Junior Warriors ni Shane Dichoso sa itinala nitong 24 puntos at 5 rebounds.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines