Ika-54 na labas
RAMDAM ni Leo ang bigat na dinadala ni Minda. Kaya hinayaan na lamang niya itong ibuhos sa pag-iyak. Naniniwala siya, nakatutulong ang pag-iyak upang gumaan ang bigat ng kalooban.
“Pasens’ya ka na, ha,” pagkuwa’y narinig niya sa basag na boses nito. “Nakakahiya naman sa‘yo.”
“Sige lang,” pag-alo niya. “Ano bang sasabihin mo?”
“Gusto ko na nga sanang makipaghiwalay na sa kanya.”
Napangiti siya. Mabuti na lang at sa telepono sila nag-uusap at hindi nakikita ni Minda ang kanyang pagbubunyi.
“Kaso, sayang naman ang pinagsamahan namin.” Napawi ang kanyang mga ngiti. “At saka naniniwala naman ako, baka naman magbabago pa s’ya.”
Ang kaninang nagbubunyi niyang kalooban ay napalitan ng panlulumo.
“Paano kung hindi magbabago?” naitanong niya.
“Lahat naman ng tao, me chance na magbago.”
Lalo siyang nanlumo. Ano’t kanina lang, tila gusto nang makipaghiwalay nito kay Ruel. Pero ngayon, panay na ang pagtatanggol nito. Nahahalata ba siya ni Minda at nais nitong paglaruan siya? O, baka naman ginagawa lang siyang sangkalan?
“Baka inaantok ka na?” pagkuwa’y nasabi niya sa kawalan ng masabi. Dahil ang totoo, ayaw na niyang marinig ang susunod na sasabihin ni Minda.
“Hindi pa naman,” sagot ni Minda. “Ba’t ikaw inaantok na?”
“A, hindi,” sagot niya.
“A, sige, ha,” pamamaalam pa nito. “Salamat at nand’yan ka. Kahit paano, gumagaan ang pakiramdam ko. Bye.”
Sabi ko na nga ba, e, naisip niya. Gagawin lang siyang sangkalan nito.
Napahinga siya nang malalim. Aywan niya kung bakit nakaramdam siya ng awa kay Minda. Parang gusto niya itong sisisihin kung bakit nagtitiyaga ito kay Ruel gayong marami namang lalaki na higit na makapagpapaligaya rito. At isa na siya roon.
Habang tumatakbo ang araw, ramdam ni Leo na parubdob nang parubdob ang nararamdaman niya kay Minda. Hindi maaari, supil niya sa kanyang sarili. Nakakahiya kay Ruel. Naturingan pa naman siyang kumpare nito tapos, aahasin niya ang girlfriend nito. At ano na lang din ang sasabihin ng mga kakilala sa kanya? Isa siyang manunulot? Ahas? Ang daming babae at bakit ang girlfriend pa ng kanyang kumpare ang kanyang aagawin. E, ano naman, katwiran ng kanyang isip. Nakapapamili ba ang puso kung sino ang gugustuhin nito? At bakit naman niya susupilin ang nararamdaman ng kanyang puso?
Ilang araw na, hindi na sinasagot ni Minda ang text niya. Kahit tawag, ring lang nang ring ang selpon nito. Ibig na niyang dalawin ito. Ngunit nagpipigil pa rin siya. Baka magkataong sa kanyang pagdalaw, naroon si
Ruel. Natural, ipagtataka nito. At hindi lang marahil magtataka, at dahil likas na mapaghinala ito, marahil ay pagdududahan pa siyang nanliligaw sa girlfriend nito. Isang malaking eskandalo iyon. Hinay-hinay lang, payo niya sa kanyang isip. Aywan ba niya, desidido na talaga siyang ligawan si Minda, kahit ano pa man ang sabihin ng mga tao, lalo na si Ruel, wala siyang pakialam. Naniniwala siyang madali niyang makuha ang loob ni Minda lalo pa’t wala kay Ruel ang lalaking hinahanap nito. Marahil, naghihintay lang ang dalaga na makatagpo ng lalaking hinahanap nito, hihiwalayan na nito si Ruel. Bakit nga naman magpapakahirap ito sa piling ni Ruel gayong malaya naman itong makapamili ng lalaking makasama sa buhay.
Hanggang isang maalinsangang tanghali, natuwa siya nang mag-text si Minda. Pero naroon din ang pagtataka. Kadalasan kasi, sa gabi sila nagte-text. Pero nayanig siya nang mabasa ang laman ng text.
pre, usp tau kna preng tony ngaun. hnty kta. ruel 2.
Itutuloy...