Balita

Baby natusta sa bahay

- Bella Gamotea

Patay ang isang sanggol na babae nang masunog ang kanilang bahay sa Pasay City, kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Alexa Cabil, apat na buwang gulang.

Sugatan naman ang kanyang ama na si Jordan Madrid, nasa hustong gulang, matapos na sagipin ang tatlo niyang anak.

Sa ulat ni Fire Supt. Paul Pili, ng Pasay City Fire Department, nagsimula ang sunog sa katabing bahay ng pamilya Madrid sa Block 24, Lot 4 Saint Francis Street, Barangay 178, Maricaban sa nasabing lungsod, dakong 7:15 ng gabi.

Umalis sa bahay si Jordan upang bumili ng pagkain habang naiwang natutulog ang kanyang mga anak nang sumiklab ang apoy sa lugar at matupok ang 10 bahay na sinisilung­an ng 29 na pamilya, kabilang ang pamilya Madrid.

Sinagip ni Jordan ang kanyang mga anak, subalit hindi na niya naligtas si Alexa.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naapula, dakong 9:16 ng gabi.

Sinasabing napabayaan­g kandila ang sanhi ng sunog, at nasa P200,000 halaga ng ari-arian ang naabo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines