Geraldo, bagong Philippine super bantam champ
PINATUNAYAN ni dating world rated Mark Anthony Geraldo na may ibubuga pa siya sa bigtime boxing nang patulugin ang batambatang si Virgel Vitor sa 6th round upang matamo ang Philippine super bantamweight crown nitong Pebrero 11 sa Tagbilaran City, Bohol.
Ikatlong sunod na panalo ito sa knockout ng 27-anyos na si Geraldo mula nang matalo via 7th round stoppage kay Frenchman Nordine Oubaali noong Disyembre 16, 2017 sa sagupaan sa Boulogne-Billancout.
Naging WBC bantamweight champion si Oubaali nang talunin sa puntos ang Amerikanong si Rau’shee Warren sa undercard ng depensa ni WBA welterweight champion Manny Pacquiao kay Adrien Bronner noong nakaraang Enero 19 sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos.
Para sa 21-anyos na si Vitor, masaklap ang kanyang pagkatalo sa harap ng mga kababayan sa Bohol at ito ang unang pagkatalo niya via stoppage makaraan ang 13 pagwawagi, 7 sa pamamagitan ng knockouts at 1 talo.
Napaganda naman ng tubong Bukidnon na si Geraldo ang kanyang rekord sa 37-9-3 na may 18 pagwawagi sa knockouts.